QC parents na ‘di mapaaral ang anak, parurusahan

IMINUNGKAHI ng isang konsehal ng Lungsod ng Quezon na pagmultahin o ikulong ang mga magulang na hindi nagpapaaral sa kanilang mga anak.

Naghain ng panukalang ordinansa si ex-officio Councilor Ranulfo “Rannie” Ludovica, Liga ng mga Barangay-QC president, na magpapataw ng multang P5,000 at kulong ng isang taon ang mga iresponsableng magulang na hindi mapaaral ang kanilang mga anak.

Alinsunod sa panukalang ordinansa, gagawing mandatory sa lahat ng magulang na taga-Quezon City na i-enroll ang kanilang mga anak sa elementary at high school upang masiguro ang kanilang kinabukasan.

Mananagot din ang sinumang guardian o kaanak na siyang nangangalaga sa bata o mga bata kapag hindi napaaral ang mga ito.

Sa isang panayam kay Ludovica, iginiit niyang labag sa Section 13 ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act”, na inamyendahan ng RA 9231, kung saan sinasabing wala dapat bata ang mapagkakaitan ng edukasyon.

Aniya, ang pagpapa-aral sa mga bata ay isang obligasyon ng magulang sa kanilang mga anak para maging huwaran itong mamamayan sa hinaharap.

“Kapag hindi natin napaaral ang mga batang ‘yan, magiging sakit ng ulo ng lipunan ang mga ‘yan balang araw,” sabi pa ni Ludovica.

Marami naman daw ang pampublikong paaralan na nakatayo at minimintena sa bawat barangay para matugunan ang bilang ng mga mahihirap na estudyante ng siyudad, kaya maaari pa ring makapag-aral ang mga batang mahihirap.

Sinabi pa ni Ludovica na kahit mga magulang na walang trabaho ay maaaring mapag-aral ang mga anak dahil hindi naman nagkukulang ang pamahalaan, partikular ang pamahalaang lungsod sa pagbibigay ng pagkakataon sa mga residente nito na magkaroon ng kabuhayan.

“Mayroon naman tayong mga livelihood programs na puwedeng i-avail ng mga magulang, tulad ng mga programa ng Sikap Buhay Entreprenuership and Cooperative Office; trainings at seminars ng Social Services and Development Department (SSDD); at iba pang uri ng trabaho na ini-aalok sa pamamagitan ng Public Employment and Services Office (Peso).

Sakaling maipatupad ang naturang ordinansa, ang mga anak ng magulang na makukulong ay isasailalim umano sa pangangalaga ng SSDD at Department of Social Welfare and Development (DSWD).  Robert C. Ticzon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply