Raket ni ‘John’ sa Port of Manila

PAGING Executive Secretary Paquito Ochoa!

Kilala n’yo po ba itong isang nagngangalang “John” na nangongotong sa loob ng Port of Manila habang gamit bilang pangalso sa kanyang katarantaduhan ang ngalan ng Palasyo ng Malacañang?

Tumpak, Mister Secretary Ochoa, pakilala nitong si “John” sa mga brokers at importers na naghahanap-buhay sa naturang pier na siya raw ang “sugo” at “bagman” ng Malakanyang!

Labis naming nanininiwala ang mga importers at brokers dahil malakas ang “access” at kilalang-kilala itong si “John” sa dalawang pinakamabigat na opisina sa Bureau of Customs (BoC) – ang Office of the Commissioner (OCOM) at ang Port Operations Services (POS) na nasa ilalim ngayon ng pamamahala ni Director Jun Reyes.

Ayon sa aking mga espiya sa BoC, halagang P5,000 kada “lata” (container van) ang “tong” na hinihingi nitong si “John” sa mga importers at brokers. Para daw ito sa mga “boss” niya sa Palasyo.

At may kasama pa raw matinding pananakot ang estilo nitong si “John” kapag pumalag o tumangging magbigay ng “tong” ang mga kawawang importers at brokers.

Ganito ang modus-operandi nitong animal na si “John.” Kapag pumalpak ang kanyang diskarte sa operation services ng pier, kaagad niyang ipapasa sa isang kasabwat sa OCOM ang anumang impormasyon laban sa nakursunadahang importer-broker at saka ipalalagay sa watchlist o hold-order sa computer records ng OCOM ang mga kargamento ng mga ito na hindi pa nailalabas sa container yard ng Customs.

Kaya’t kahit walang violation, tiyak na mapapaluhod sa takot ang kawawang mga importer-broker. Siyempre, dito na papasok ang usapan tungkol sa “supporting pesos” para sa dagliang pag-release ng mga pinigil na kargamento.

Napaka-importante kasi sa mga broker at importer na huwag ma-delay ang pagdating ng mga kargamento sa kanilang mga kliyente. Kaya’t ang siste, bayad agad sila kay “John.” Instant money (hindi mami), di po ba?

Hindi lang ito ang kaululang ginagawa ng animal na si John sa loob ng BoC! Madalas pa raw magpahiwatig ang animal na ito sa mga importer na isali siya ng libre sa kanilang negosyo para ma-proteksyunan ang kanilang hanap-buhay sa mga pantalan.

Kapal din nga naman ng mukha ng gagong ito. Ultimo sosyong-laway ay ipinapipilitan pa sa kanyang mga nabibiktima!

Wala rin daw palang pagkakaiba ang POS sa accreditation department ng BoC na nasa pamamahala ng Icare. Pinagpapasa-pasahan lang daw ang mga cargo documents para pasukahin ng sandamukal na salapi ang mga target na consignee o broker.

Ngayon ang tanong ko kay ES Ochoa: Bata n’yo po ba itong animal na si John? Kung hindi, ipahuli kaagad ang kupal na ito bago tuluyang dumami ang bilang ng mga importer at broker na ang nagagalit sa inyong dalawa ni Pangulong Aquino.

* * * * * * * *

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0999-4333437 o kaya’y e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.comat malugod ko kayong paglilingkuran! Boyet Munar

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply