Rescue team sa ComVal landslide, walang gamit

 

HIRAP kumilos ang mga rescue team sa kanilang ikinakasang search and retrieval operation sa landslide sa Sitio Panganason, Barangay Kingking Pantukan Compostela Valley Province.

Ito ay dahil wala pang dumarating na heavy equipment para mapadali ang paghuhukay sa mga biktima na natabunan ng mga putik at bato mula sa gumuhong minahan.

Sa kasalukuyan ay manu-mano ang paghuhukay ng mga sundalo at tauhan ng Provincial Risk Reduction Management Council sa lupang tumabon sa mga biktima.

Sa panayam kay Col. Lyndon Paniza, spokesperson ng 10th ID, Philippine Army, 11 na ang kanilang nasagip pero anim pa lang sa kanila ang ibinaba mula sa bundok at isinakay sa motorsiklo para dalhin sa ospital.

Samantala, isang bangkay pa lang ang nasa punerarya ng Pantukan habang hirap din umanong makapag-landing ang rescue helicopter ng Philippine Air Force dahil walang malapagan malapit sa pinangyarihan ng insidente.

Sa ngayon ay doble ang effort ng grupo sa paghuhukay lalo pa’t may naririnig silang mga sigaw sa ilalim ng lupa. Tinatayang nasa 30-40 ang bilang ng tao na hinahanap pa sa ngayon.

Inaasahan naman na may darating na back hoe na ipinadala ng provincial government ng Compostela Valley Province. Robert C. Ticzon

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply