Robledo ginisa sa ARMM polls postponement

GINISA si Interior and Local Government Secretary Jessie Robledo sa isinagawang pagdinig sa Senado matapos harapin ng ilang kontra sa pagpapaliban ng halalan sa Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM).

Sa pagdinig na isinagawa ng Senate committee on local government sa pamumuno ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., matinding kinontra ni Sen. Juan Miguel Zubiri at dating Sen. Aquilino Pimentel ang panukala ng Palasyo.

Iginigiit ni Robledo sa komite na kailangang ipagpaliban ang nakatakdang halalan sa ARMM sa Agosto upang magkaroon ng pagkakataon ang administrasyon na linisin ang rehiyon sa katiwalian at pagbubuwag ng armadong grupo.

Ngunit, mahigpit na kinontra ito ni Zubiri dahil magagawa naman umano ang pagsugpo sa katiwalian at armadong grupo sa ARMM kapag may bagong halal na opisyal ng naturang rehiyon.

Inihain ni Sen. Franklin Drilon ang panukalang ipagpaliban ang halalan sa ARMM na sinuportahan ng kaalyado sa Liberal Party alinsunod sa “habilin” ni Pangulong Benigno Aquino III na isulong ang naturang batas.

Sinabi ni Robledo na layunin ng pagpapaliban ng halalan na magkaroon ng magtutuos sa lahat ng ginastos ng ARMM sa loob ng dalawang dekada na pinagharian ng pamilya Ampatuan sa mahabang panahon.

Tulad nina Pimentel at Zubiri, mahigpit na tinutulan din ito ni Philippine Constitution Association (PHILCONSA) President Manuel Lazaro dahil lalabagin ng panukala ang ARMM Organic Act.

Ani Lazaro, kailangan pang magkaroon ng plebisito sa pagpapaliban ng halalan na nakatakda sa batas kaya’t tiyak na gagahulin sa panahon ang naturang panukala.

Suportado ng Philconsa ang panukala ni Zubiri na ituloy ang halalan sa Agosto at pagkatapos, pag-aralan ang mga reporma at programa sa rehiyon kabilang ang pagpapaiksi sa termino ng halal ng opisyal at muling isabay sa 2013 mid-term elections.

Siyam na senador na umano ang sumusuporta sa pagbabasura ng panukala ni Drilon kahit suportado ito ng LP sa Mataas na Kapulungan, ayon kay Zubiri. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply