Semana Santa na!

SEMANA SANTA na naman.  Masaya.

Bakasyon na naman kasi. Mahaba-habang pahinga rin ito sa maraming Filipino na nagsusumikap kumita araw-araw. Ayon nga sa ilan, buong taon ang kanilang kalbaryo at sa Semana Santa lamang sila nakakahinga ng maluwag, yan kung nakakahinga pa sa dami ng problema.

Kaya naman marami sa atin, kahit hindi mga Katoliko o Kristiyano, ay masaya na rin pagdating ng Semana Santa. Nagiging ugali na ng marami sa atin na magbakasyon sa tabing-dagat, umakyat sa Baguio o di kaya’y Tagaytay, o mamasyal sa kanayunan para lumanghap ng malinis na hangin. O kaya’y makipag-inuman sa mga kababatang naiwan sa probinsyang matagal nang di nabalikan.

Simula na sa Linggo ang Semana Santa. Linggo ng Palaspas. Ginugunita sa araw na ito ang pagpasok ni Hesus sa Herusalem kung saan sinalubong siya ng maraming tao at hinirang pa na kanilang “hari.” Sinalubong siya ng mga taong may hawak na palaspas habang umaawit, sumisigaw at kumakaway sa anila’y kanilang tagapagligtas. Masaya ang araw na iyon. Siguradong may ngiting namutawi sa labi ni Hesus sa araw na yon.

Marami kasing natulungan si Hesus. Napagaling niya ang mga may sakit at siguro napakain ang ilang nagugutom. May nagbibigay kasi ng pagkain sa kanya at sa kanyang mga apostoles.

Nagbibigay din  si Hesus ng payo sa mga nangangailangan nito. Huwag kayong lagi na lang naglalasing, huwag kayo mambabae para di nyo kailangan ang condom, gumawa kayo ng kabutihan sa kapwa, ipaglaban nyo ang inyong mga karapatan, huwag kayo magsugal sa loob ng simbahan, etc.

Lagi siyang nakikipag-kuwentuhan at nakikipag-usap sa masa. Tumatambay siya sa palengke, sa mga inuman, sa pondohan at kung saan marami ang tao, kasama na siguro ang mga night clubs at videoke bars kasi naging “close” siya sa mga babae na nagtatrabaho sa dilim ika nga.

Marami ang natuwa kay Hesus. Binigyan kasi niya ang masa ng pagkakataong marinig ang kanilang mga hinaring, pinansin niya ang kanilang kalagayan, at binigyan niya sila ng pag-asa. Subalit marami rin ang naasar, kasama na ang mga nasa poder. Ayaw kasi nilang mabigyan ng pagkakataon ang mga mahihirap na umasenso at malaman ang kanilang karapatan. Baka raw kasi mag-alsa at patalsikin sila.

Mahigit 2,000 taon ang nakalipas, ganon pa rin ang sitwasyon ng ating lipunan. Ang mga nakikiisa sa mga mahihirap at tumutulong sa mga dukha ay tinaguriang mga komunista. Ang mga nagsasalita tungkol sa karapatang pantao at para sa kapakanan ng mga wala sa buhay ay tinatawag na aktibista.

Nakalulungkot minsan na isipin na hindi man lang ito naaalala ng marami sa atin sa pagdating ng Semana Santa. Hindi man lang natin naiisip na kung hindi nag-aktibista si Hesus at kung hindi siya hinuli, tinortyur at pinatay, wala sanang Semana Santa. Wala sanang bakasyon.

Labo no? Para bang kung hindi nag-rebolusyon si Bonifacio o di pumunta sa Edsa ang mga Filipino noong 1986 para sumigaw na patalsikin si Marcos wala sanang Bonifacio Day at wala sanang “Edsa celebrations” sa Pebrero. Wala sanang holiday. Ganon lang yon. Ika nga, kailangan ng Biyernes Santo para magkaroon ng Sabado de Gloria.

Semana Santa na. Huwag naman sanang panay pasarap na lang ang ating gagawin. Huwag rin naman tayo magkunwari na kung nakakapag-Visita Iglesia na o Via Crucis ay ligtas na tayo sa ating mga kasalanan. Kalokohan yan. Isipin natin o panoorin (maraming bersyon na ng pelikulang nagsasadula ng buhay ni Hesus na binibenta sa bangketa) ang tunay na kahulugan at kwento sa likod ng Semana Santa.

Ito ay kuwento ng pakikibaka ng isang Hesus na taga-Nazareth, pakikibaka na pinaniwalaan ng maraming tao noong una, mga taong sa kalauna’y lumabas na mga duwag pala, mga taong matapos makinabang kay Hesus ay nagsipaglayasan para iligtas ang mga sarili, mga taong tulad sa marami sa atin sa panahon ngayon. Joe Torres

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply