Sibakan sa Japanese companies paghandaan

NAGPARAMDAM na ang ilang kompanyang Hapon ng kanilang pagbabawas ng produksyon sa kanilang mga pabrika rito sa Pinas.

Isang halimbawa rito ang Honda Philippines na nagsabing sa buwang ito ay kalahati lamang ang operasyon nila sa Pilipinas dahil sa labis na kakulangan ng spare parts para sa kanilang mga produktong sasakyan.

Bunga ito ng pagkasira ng malawak na lugar sa Japan sanhi ng malakas na lindol at tsunami na pumatay ng tinatayang nasa 25,000 katao at sumira sa ekonomiya nito sa halagang nasa $300 bilyon. Sa ibang salita, mga Bro, may mga pabrika na konektado sa paggawa ng mga sasakyan ang natamaan ng kambal na kalamidad.

Lalong tumindi ang kasiraan sa Japan nang sumabog ang ilang nuclear plant nito. Lumawak ang pagtigil at pagkasira ng ekonomiya ng Japan kaya lalong lumawak ang mga karagatan at kalupaan na inabandona ng mga Hapon, kasama na ang mga negosyo nila.

Ngayon nga ay apektado na ang mahal kong Pinas.

Ang isang tanong: ano-ano ang mga kompanyang Hapon sa Pilipinas ang susunod sa Honda Philippines? Nangangahulugan ito, mga Bro, ng pagkadiskaril ng buhay ng mga obrero rito.

Tanong uli: ilan ang maaapektuhan lalo na ang mga mawawalan ng trabaho?

Hindi biro-biro ang mawalan ng hanapbuhay o pagkakitaan dahil sa pagsasara o pag-slowdown ng mga kompanyang Hapon. Libo-libo ang mga obrero sa mga kompanyang Hapon sa Pinas.

Mahirap isipin na gagapang ang gutom sa mga pamilyang mawawalan ng trabaho, maging ang pagtigil sa eskuwela ng mga bata, pagkaudlot ng pagbabayad sa mga hinuhulugang bahay ng mga may housing loan at marami pang iba.

Ano-ano na ang mga paghahanda ng gobyerno rito?

Dapat na ngayon pa lang ay magkarambola na ang pamahalaan at maghanda sa krisis sa trabaho na lilikhain ng pagsasara o slowdown ng mga kompanyang Hapon sa bansa.

Isa pang isipin dito ang epekto na rin ng panghihina ng mga kompanya sa mga negosyong sumususo sa mga ito gaya ng mga restaurant, transportasyon at maraming iba pa.

Matatamaan din ang mga ito ng krisis.

O Pangulong Noy, pakilusin na ang inyong mga bata para rito bago mahuli ang lahat.

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Benny Antiporda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply