Skyway handa na sa Mahal na Araw

HANDA na ang Skyway O&M Corporation (SOMCO) para sa mga motoristang magtutungo sa mga probinsya sa katimugang bahagi ng Metro Manila ngayong Semana Santa simula Miyerkules Santo, Abril 20, at sa mga magbabalik sa Maynila sa Linggo o Lunes, Abril 24 o 25.

Ipatutupad ng SOMCO, katulong ang Petron Corp., Metro Manila Development Authority, Philippine National Police-NCRPO, at lokal na mga pulisyang nakapaligid sa Skyway System, ang “Lakbay Alalay 2011” upang matugunan ang pagtaas ng bilang ng mga motoristang gagamit ng Skyway System, gayundin upang masiguro ang kaligtasan at makapagbigay ng tulong sa mga motorista. Bukas ang mga “Lakbay Alalay” station sa Nichols, C-5 at Sucat mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-9 ng gabi sa Abril 20, mula ika-6 ng umaga hanggang ika-9 ng gabi sa Abril 21-24, at mula ika-6 ng umaga hanggang ika-12 ng tanghali sa Abril 25. Magdadagdag ng traffic personnel ang SOMCO, magtatatalaga ng mga tow truck ang Automobile Association of the Philippines, at maglalagay ng medical personnel ang Lifeline Arrows upang rumesponde sa anumang emergency.

Tulad ng naunang pahayag, toll-free o libre pa ring magagamir ng mga motorista ang elevated Bicutan-Alabang section, na binuksan sa trapiko noong Abril 6, 2011, samantalang nanatili pa ring Php85 at Php170 ang toll sa Skyway Buendia-Bicutan section ng mga sasakyang Class 1 at Class 2.

Inaasahang makatutulong ito upang mabalanse ang dami ng mga motoristang gumagamit ng at-grade at elevated sections, at nang sa gayon ay maiwasan ang pagsisikip ng trapiko sa anumang bahagi ng Skyway System.

Samantala, isinara na ang temporary on at off ramps na dating nagdudugtong ng Skyway elevated section sa at-grade section sa Bicutan. Magbibigay-daan ito upang masimulan na ng Citra Metro Manila Tollways Corporation at ng kontraktor nito na D.M. Consunji, Inc. ang pagtatanggal ng mga nasabing rampa upang maayos ang outer lanes ng Bicutan at-grade section at magawang tatlong lanes ang kahabaan nito mula sa kasalukuyang dalawa.

Pinapayuhan ang mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho papalapit sa Skyway Toll Plaza A at B, na kasalukuyan nang hindi ginagamit para sa mga transaksyon.

Bilang pag-antabay sa mabigat na daloy ng trapiko ngayong Semana Santa, pinaaalalahanan ng SOMCO ang mga motorista na siguraduhing maayos ang lagay ng kanilang mga sasakyan para sa kanilang sariling kaligtasan at kaginhawahan gayundin ng ibang motorista. Maaaring tumawag sa Skyway System hotline 776-7777 para humingi ng saklolo o mag-ulat ng mga di-pangkaraniwang insidente habang nagbibiyahe sa Skyway System. Radito Torres

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply