Skyway papuntang Alabang binuksan na

BINUKSAN na para sa mga motorista ng Citra Metro Manila Tollways Corporation (CMMTC), ang Skyway project developer at ng Skyway O&M Corporation (SOMCO), ang tagapamahala ng Skyway System, ang karugtong ng Skyway patungong Alabang ngayon.

Pinasinayaan ang Skyway Stage 2 sa pangunguna ni Transportation and Communication Secretary Jose de Jesus sa isang  inaugural drive sa bagong bahagi ng Skyway. Kasama niya sina CMMTC President at Chief Executive Officer Shadik Wahono, Indonesian Ambassador Yohanes Kristiarto Soeryo Legowo, D.M. Consunji, Inc. (DMCI) President at Chief Operating Officer Jorge Consunji at iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan. Sinundan ito ng maikling programa sa Skyway Main Toll Plaza kung saan ibabahagi ni Secretary de Jesus ang mensahe ni Pangulong Benigno Aquino III. Dumalo rin sa pagtitipon si dating Pangulong Fidel V. Ramos, na siyang nakaupong pangulo nang simulan ang South Metro Manila Skyway Project bilang isa sa mga pangunahing proyektong pang-imprastruktura ng gobyerno.

Sinimulang itayo ng CMMTC at ng pangunahing kontraktor nito, ang DMCI, ang Skyway Stage 2 noong Mayo 2009. Nitong katapusan ng Marso 2011, nakumpleto na ang mahahalagang bahagi ng proyekto, mas nauna sa itinakdaang schedule na Mayo 2011. Natapos at nabuksan naman sa trapiko ang Stage 2 Bicutan-Sucat noong Disyembre 15, 2010.

Sa pagbubukas ng karugtong ng Skyway patungong Alabang ika-4 ng hapon, ay tuluyan nang isasara ang temporary on/off ramps sa Bicutan. Sa halip dito, maaari nang gamitin ng mga motoristang galing o patungong SLEX ang permanenteng on/off ramps malapit sa Hillsborough Subdivision, samantalang magagamit na rin ng mga manggagaling o patungong Alabang ang On/Off Ramps sa South Station.

Hindi na rin tatanggap ng anumang transaksyon sa Skyway Toll Plaza A at B. Isasagawa na ang mga transaksyong tulad ng E-Pass at pagbabayad ng toll fee na P85 para sa mga sasakyang Class 1 at P170 para sa mga Class 2 sa mga toll plaza sa Doña Soledad, Dr. A. Santos at Alabang. Hindi muna mangongolekta ng toll para sa bahagi ng Bicutan hanggang Alabang sa loob ng dalawang linggo bago ipatupad ng CMMTC ang bagong toll rates para sa pinag-isang Skyway System.  Radito Torres

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply