Solar bottle bulb sagot sa mahal na kuryente

MAGKATUWANG na inilunsad kanina, Abril 14, ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, My Shelter foundation at Manila Electric Company ang isa sa pinakamalaking green lighting technology sa buong mundo, ang solar bottle bulb.

Ito ay unang inilunsad sa slum areas kung saan ang 150 pamilya ng Baseco Compound, Bagong Lupa,  Port Area, Manila ang unang nakinabang sa proyektong tinawag na “Isang Litrong Liwanag.”

Layunin ng proyekto na mabigyan ng liwanag ang mga bahay sa Baseco na nagtitiis sa dilim dahil walang kuryente. Sa pamamagitan ng solar bulb, mabibigyan liwanag ang isang bahay.

Nakatakda ding lagyan ang Parola1 at 2, Isla Puting Bato at ang Happyland.

Ayon kay Manila Mayor Alfredo Lim, isa sa nanguna sa paglulunsad ng naturang proyekto, malaki ang matitipid  ng city government dahil aabot lamang sa P100 hanggang sa P150 ang gastos sa paglalagay ng solar bottle bulb sa bubong ng isang bahay.

Sinabi rin ni Lim, na maaaring gumawa ang kahit na sino ng sarili nilang solar bottle bulb.

Kailangan lamang aniya, ng isang bote ng coca-cola na lalagyan ng tubig  at chlorine at pagkatapos ay ilalagay sa bubungan. Lagyan lamang ng butas na bilog ang bubong na sakto sa sukat ng bote at tapalan ng vulca zeal.

Ito ay magbibigay na ng  liliwanag sa isang kuwarto kapag ang liwanag ng araw ay tumama sa bote, magkakaroon ng refraction na siyang kakalat at magbibigay ng liwanag.

Ang liwanag na manggagaling sa bote ay katumbas ng 55 Watts na bombilya na kayang tumagal ng tatlo hanggang limang taon.

Balak din na dalhin sa mga lalawigan ang nasabing proyekto.  Verlin Ruiz/ Jocelyn Domenden

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply