Subsidiya sa petrolyo pinalawig

PINALAWIG ng Malakanyang ang makikinabang sa subsidiya sa produktong petrolyo ng idagdag bilang benepisyaryo ang hanay ng mga magsasaka at mangingisda bilang karagdagang tatanggap ng suportang pinansyal ng gobyerno.

Inihayag Martes, Abril 12, ni Agriculture Secretary Proceso Alcala, Jr. sa press briefing sa Palasyo na aprubado na rin kay Pangulong Benigno Aquino III ang naturang ayuda ng gobyerno sa mga magsasaka at mangingisda sa buong bansa upang malimitahan ang negatibong epekto ng patuloy na paglobo ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.

Ani Alcala, naisumite na ng kanyang tanggapan kay Energy Secretary Rene Almendras ang listahan ng mga magsasaka at mangingisda na makikinabang sa naturang programa ng pamahalaang Aquino.

Idinagdag pa ng kalihim ng Department of Agriculture (DA) na ang talaan ng mangingisda ay ibinase sa records na pinanghahawakan ng Philippine Coast Guard at Maritime Industry Authority (MARINA) habang ang mga magsasaka naman ay nagmula sa talaan ng mga Municipal Agriculturists sa buong Pilipinas.

Ani Alcala, kaagad niyang ipinadala ang buong listahan sa Department of Energy (DOE) makalipas na talakayin sa Cabinet meeting ang pagkakaloob ng subsidiya para sa mga legal na operator ng tricycle at jeepney.

“Nung mag-announce na magbibigay ng subsidy hindi naman kami pumayag na iwanan namin yung mga magsasaka at mga mangingisda,” ani Alcala.

Idinagdag naman ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma, Jr. na tinitignan na rin ng Malakanyang ang posibilidad na hingin ang tulong ng mga mayayaman na Local Government Units (LGUs) upang mapunan ang kakulangan sa pondo sa naturang programa.

Kamakailan ay nilagdaan na ni Pangulong Aquino ang Executive Order No. 32 o tinatawag na Public Transport Assistance Program (PTAP) o higit na kilala bilang “Pantawid Pasada” na pinondohan ng P450 milyon ang programa sa subsidiya sa langis. Axel Sam

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply