Trahedya sa Compostela

ISANG trahedya ang nangyari sa Compostela Valley nitong Biyernes Santo. Sa huling ulat, lima na ang natagpuang patay at 17 na ang nawawala matapos gumuho ang lupa sa isang miniminang lugar sa Sitio Panganason, Barangay Kingking sa bayan ng Pantukan.

Malabo na raw na may makaligtas pa sa 17 natabunan ng lupa. Mahirap maghukay sa gilid ng bundok kung saan nagbutas ng tunnels ang mga minero. Wala ring “first aid equipment” sa lugar.

Napakalayo nito sa kabihasnan. Ang mga natagpuang bangkay nga ay isinasakay pa sa “habal-habal” o motorsiklo upang maibaba sa pinakamalapit na bayan. Isang oras ang itinatagal ng biyahe.

Muling pumapasok sa isipan ang tanong kung bakit nangyayari ang ganitong trahedya. Bakit nga ba pinipilit ng mga kababayan natin na maghukay sa napakalayong bundok kapalit ang maliit na tipak ng ginto? Dahil sa kahirapan. Kailangan nilang mapag-aral ang mga anak, mapakain ang asawa, maitawid ang buhay, ika nga.

Naisip ko tuloy, RH bill o RP bill nga ba ang katapat ng kahirapan? Kung papasa sa Kongreso ang mga panukalang batas na ito, hihinto na ba sa paghuhukay ng ginto ang mga minero sa Compostela Valley? Hihinto na bang tuluyan ang mga pagmimina?

Napapanahon na upang magmatigas sa paninindigan ang Palasyo sa usapin ng pagmimina. Dapat ipatupad na ang kautusan ni Pangulong Aquino na hinto na muna ang operasyon ng mga minahan. Hinto na muna ang lahat at pag-aralan ang dapat na ipatupad na polisiya.

Subalit dapat bilisan ng pamahalaan ang pag-aksyon sa usapin, dahil kung hindi marami itong makakalaban. Siguradong magrereklamo ang mga maliliit na minero na mawawalan ng kita, at ang mga kompanya ng mina na hihinto ang operasyon.

Hanggang sa kasalukuyan tila urong-sulong pa rin ang posisyon ng gobyerno, at kahit ng mga kritiko nito, sa usaping pagmimina. Ano nga ba talaga? Sino ba ang pupuwede lamang magmina?

Ang mga trahedyang tulad sa nangyari sa Compostela Valley ay dahilan kung bakit sinasabi ng mga malalaking kompanya ng mina na sila lang dapat ang puwedeng maghukay sa yaman ng lupa. Napaka-delikado raw kasi ng operasyon upang ipagkatiwala sa “small-scale miners.”

Ayon naman sa mga kalaban ng mina, anumang klase ng pagmimina ay nakakasira sa kalikasan. Kaya dapat daw itong ipagbawal ng pamahalaan.

E papaano naman natin mapapakinabangan ang ating likas na yaman kung hindi natin kunin mula sa ilalim ng lupa. Sayang din ito kung iiwang nakatiwangwang. Kung baga, ang hirap ng buhay dito sa ating bansa subalit nakaupo tayo sa bundok ng ginto.

Kaya naman kailangan ang agarang aksyon ng gobyerno sa usaping ito. Kailangan ang malinaw na polisiya ng administrasyong Aquino at kailangan itong ipatupad ng walang kinikilingan, walang pinoprotektahan, tuwid na daan lamang. Dahil kung hindi, mas malaking trahedya ang aabutin natin. Joe Torres

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply