US bases hindi na welcome – Jinggoy, Gringo

MAHIGPIT na tinutulan ng dalawang senador ang plano ng adminitrasyong Aquino na pabalikin ang United States sa Subic Bay Freeport upang makapagtayong muli ng panibagong base militar ang Amerika sa kabila nang kawalan ng tratado.

Sa magkakahiwalay na panayam, sinabi nina Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada at Sen. Gregorio “Gringo” Honasan na wala namang nakukuhang benepisyo ang bansa sa pagtatayo ng base militar ng Estados Unidos sa Subic.

Nanindigan si Estrada na hindi siya papayag na muling makabalik ang US military bases sa alinmang bahagi ng bansa dahil wala naman umanong napapala dito ang Pilipinas bagkus madadamay pa sa magiging tugon ng kalaban ng Washington.

Binigyan diin ni Estrada na ilang dekada nang nanatili ang US military base sa Subic at Clark pero walang naibigay na malaking tulong ang Amerika maliban s amga pinaglumaang military equipment.

“What benefits did we get when they were here?” tanong ng senador.

Noong 1991, napalayas ang US military bases nang ibasura ng Senado sa pamumuno ni dating Senate President Jovito Salonga ang tratado para sa pagpapalawig ng pananatili ng mga ito sa Subic at Clark.

Sa ilalim naman ng administrasyon ng pinatalsik na Pangulong Joseph Estrada, ama ni Jinggoy, nang pagtibayin ng Senado ang Visiting Forces Agreement  (VFA), na nagpapahintulot ng pagbisita ng tropang Amerikano na magsagawa ng joint military exercises sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sinabi naman ni Sen. Gregorio Honasan na kailangang maghinay-hinay ang Aquino administration at ang Senado sa pagbabalik ng US military base sa bansa upang hindi na maulit ang one-sided na VFA.

“Dapat dahan-dahan tayo dito at dahil hindi pa nga tapos ang review at performance audit ng VFA, heto na naman tayo. Baka ma-railroad na naman tayo dito. Pag-aralan mabuti ang isyu na ito,” giit ni Honasan.

Uminit ang espekulasyon sa pagbabalik ng military base ng US sa bansa matapos bisitahin ni US Senators Daniel Inouye at Thad Cochran ang Subic Bay Freeport at makipag-usap ng closed door sa mga opisyal ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) at Olongapo City officials.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply