Vehicle tagging pinagtibay na ng MMDA

INILABAS na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga kaukulang panuntunan para sa implementasyon ng ipinasang resolusyon ng Metro Manila Council na nag-aatas sa lahat ng pampublikong sasakyan na ipinta ang license plates sa bubungan ng kanilang sasakyan.

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, tatlong buwan mula ngayon ay inaasahan na nilang maipapatupad ang “vehicle tagging” o pagpipinta ng plaka ng sasakyan sa mga buses, jeepneys, taxi at maging sa mga GT at AUV taxi, school buses, tourist shuttle at cargo trucks na nakasaad sa ilalim ng MMDA Resolution Number 11-02 Series of 2011.

Sa ilalim ng inilabas na panuntunan, binibigyan lamang ng tatlong buwan ang mga operators ng mga nabanggit na mga pampublikong sasakyan na ipinta sa bubungan, harapan, likod at gilid ang plaka ng kanilang sasakyan upang maging madaling matukoy sa pamamagitan ng mga nakakabit na mga close circuit television (CCTV) camera ang mga pasaway na tsuper na lumalabag sa batas trapiko.

May kaukulang color scheme o kanya-kanyang kulay din ang isasagawang pagpipinta kung saan dilaw ang para sa city busses na dumaraan sa Edsa, orange sa city busses na hindi dumaraan ng Edsa, pula sa provincial busses na dumaraan ng Edsa, violet sa provincial busses na hindi dumaraan ng Edsa, brown sa public utility jeepneys asul sa mga metered taxis, berde sa non-metered, GT at AUV taxis, gray o silver sa mga school busses, pink sa tourist o shuttle busses at gold sa mga cargo trucks.

May takdang sukat naman na 900 mm x 1,200 mm ang ipipintang  plate number sa mga bubungan ng mga bus at cargo trucks habang 400 mm x 900 mm naman sa mga jeepneys, mga taxi, AUVs o FX taxi.

Kumpiyansa si Tolentino na hindi lang ang mga pasaway na tsuper ang madali nilang matutukoy sa oras na naipatupad na ang tagging kundi maging ang mga nasasangkot din krimen o insidente ng banggaan.

Binigyang diin pa ni Tolentino na bukod sa 68-CCTV camera na ikinabit na ahensiya sa mga pangunahing lugar sa Metro Manila nangako pa ang Department of Transportation and Communications (DOTC) ma magkakabit pa ng 30 karagdagang CCTV sa Kamaynilaan na malaking tulong sa pagtukoy sa mga pasaway na tsuper. Johnny F. Arasga

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply