VFA dapat repasuhin – Tañada

PAG-ARALANG muli ang Visiting Forces Agreement (VFA).

Ito ang naging panawagan sa administrasyong Aquino ni House Deputy Speaker Erin Tañada dahil hindi aniya makatuwiran na ipaubaya sa mga dayuhan ang national sovereignty ng Pilipinas.

Partikular na tinukoy ni Tañada ang probisyon sa VFA na pag-oobliga sa gobyerno na gumawa ng malalaking bagay na maliit naman ang kapalit.

Kaakibat ng kasunduan na unang pinirmahan noong 1997 ang “Balikatan” joint military exercises sa pagitan ng mga Amerikano at Pilipinong sundalo na isinasagawa taun-taon mula ika-5 hanggang ika-15 ng Abril. Ito ang pinakamatibay na bakas ng kapangyarihan ng Estados Unidos sa Pasipiko buhat pa noong tinanggihang ratipikahin ng Senado ng Pilipinas ang US Bases Treaty noong 1992.

“Ito ay mga isyu na kailangang tugunan sa pamamagitan ng paggawa ng isang makatwirang patakarang panlabas na tanging ang kapakanan lamang ni Inang Bayan ang isinasaalang-alang na hindi natin kayang gawin kung hawak tayo ng Estados Unidos.”

Kinuwestyon din ni Tañada ang patuloy na pagtanggap ng Armed Forces of the Philippines sa kasunduan upang makadagdag ng pondo sa modernisasyon nito. Ayon sa kongresista, hindi kulang ang pondo ng AFP.

“Nagkukulang lang dahil ninanakaw ito ng mga comptroller ng militar. Pero sigurado ako na sinsero at seryoso ang AFP na linisin ang mga hanay nito at marihil sa lalong madaling panahon, magkakaroon ng pagkakatanto na kaakibat ng tamang paggamit ng resources, kaya na nilang gawin ang trabaho nang walang ibang nakikialam.” Meliza Maluntag

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply