VFA pambabastos sa Konstitusyon – solon

IPINANUKALA ni Deputy Speaker Lorenzo “Erin” Tañada ang isang joint congressional resolution na naglalayong itigil ang Visiting Forces Agreement (VFA) na pinasok ng Pilipinas kasama ang Estados Unidos.

Ipinanawagan ng Joint Resolution No. 17 na tapusin na ng VFA at ang pag-uutos sa Secretary ng Department of Foreign Affairs (DFA) na pormal ng ipaalam ito sa Estados Unidos.

Ayon kay Tañada, magandang ipaalam na kaagad ng pamahalaan ang pagnanais na itigil na ang kasunduang ito upang hindi na isipin pa ng Estados Unidos na nais pa nating isaayos at ipagpatuloy ang kasunduan.

“Habang inaalala ang samu’t-saring insidente ng ‘di-umano’y paglabag sa karapatang pantao at mga krimen ng mga sundalong Amerikano sa loob ng Pilipinas, naniniwala ako na nararapat lamang na bawiin natin ang ating soberanya na unti-unti nang nawawala dahil sa mga banyaga,” sinabi ng deputy speaker.

“Hindi pinahihintulutan ng ating Saligang Batas ang paglalagi ng puwersang militar ng mga banyaga sa loob ng ating bansa, maliban na lamang kung mayroong treaty na kinikilala ng dayuhang estado.”

Binanggit din ni Tañada na ang VFA ay hindi naman sinang-ayunan ng two-third (2/3) ng Senado ng Estados Unidos.

“Isang tahasang pambabastos sa ating Konstitusyon ang pagkilala ng Estados Unidos sa VFA bilang isang executive agreement lamang at hindi isang treaty,” ani Tañada.

Sinabi rin niya na may mga probisyon ang VFA na dapat tingnan bilang void.

“Halimbawa, ang malabong kahulugan ng salitang “visiting” sa kasunduan ay magbibigay-daan sa abuso at sa pagkakaroon ng permanenteng paglagi rito ng Estados Unidos,” ani Tañada.

Dinagdag pa ng mambabatas na ang VFA ay may kamalian pagdating sa kung sino nga ba ang dapat na may kustodiya sa mga Amerikanong sundalong magkakasala sa ilalim ng ating batas.

Inilahad ni Tañada ang kaso ni Lance Corporal Daniel Smith na hinatulan para sa panggagahasa ngunit nang lumaon ay ipinawalang-sala. Pinahintulutan siyang manatili sa Embahada ng Estados Unidos imbis na sa loob ng bilangguan. Ang kaganapang ito ay dineklara ng Korte Suprema bilang iligal alinsunod sa VFA.

Ayon sa kanya, “mahalaga para sa atin na tumindig at magsalita laban sa kasunduang ito na yumuyurak sa teritoryal na integridad ng bansa.” Beth Aragon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply