Wage hike iginiit ng Gabriela

KAHIT nagbibingi-bingihan ang Malakanyang sa pag-certify sa P125 increase sa suweldo, muling iginiit ng isang militanteng grupo ang nasabing panukala.

Ayon kay Gabriela Women’s Party Rep. Luz Ilagan, hihingin na nila ang tulong ng kanilang mga kakampi sa buong bansa para mag-lobby sa kani-kanilang distrito.

Aniya, napapanahon ang nasabing wage hike dahil sa sunud-sunod na pagtataas ng presyo ng mga bilihin at ng gasolina.

Hindi umano nila maintindihan kung bakit ayaw pagbigyan ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III ang wage hike bill gayong hirap na hirap na ang mga Pinoy sa ngayon.

Hinihiling din ni Ilagan ang P6,000 increase sa minimum pay ng government employees, dahil hindi na rin umano sila makasabay sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng bilihin.

“Hindi ba makita ng Pangulo kung gaano na naghihirap ang mga pamilyang Pinoy? Hindi mo kailangang maging matalino para makitang kulang na kulang talaga ang kasalukuyang wage level para mabigyan ng disenteng buhay ang mga mamamayan,” anang lady solon.

Aniya, hindi dapat asahan ang Regional Wage Boards na magpatupad ng wage hike dahil siguradong kakarampot lamang ang kanilang ibibigay.

Sa kasalukuyan, ang minimum wage sa NCR ay P404 mula pa noong June 2010 samantalang P222 naman sa ARMM mula pa noong July 2010. Nenet L. Villafania

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply