Walang sema-Semana Santa kay PNoy

BILIB tayo kay PNoy. Kahit Semana Santa na, panay ang deklarasyon nito ng giyera kina Gloripie. Kahit saan yata mapadpad at magsalita ang mama, parang nakakapit sa kanya ang amoy ni Gloripie.

Parang diring-diri siya kaya maya’t maya ay naglalabas ito ng mga salitang masasakit siyempre laban sa dating bosing ng republika.

Ang laman ng dila ni PNoy, eh, kung hindi lang sana nag-iwan ng napakabahong basura si Gloripie, hindi sana mabahong-mabaho ang kanyang paligid.

Kaya naman nagmamadali ito sa pagpagpag sa amoy na kumakapit sa kanya at pagwawalis ng kanyang kapaligiran.

Wataymen, bukod kay Gloripie na gusto na niyang maglaho, niyayari na rin ni PNoy ang mga appointee nito.

Pinakahuli sa napagpag na niya ang bosing ng Philippine Deposit Insurance Corporation na anak ni dating Speaker Prospero Nograles.

oOo

Ewan ba natin kung bakit punom-puno ng galit sa dibdib itong si PNoy.

Dahil ba kaya sa kahit ano ang kanyang ginagawa, eh, pababa nang pababa ang kanyang reyting sa mga sarbey?

At para umangat muli ang kanyang grado sa mata ng madlang pipol, kailangan niyang mag-ingay at manisi nang manisi ng iba sa kabuwisitan sa kanyang paligid?

Aaah, hindi naman siguro.

Baka nagagalit si PNoy dahil sa bagal ng pag-usad ng programa nitong tuwid na daan?

Mag-iisang taon na siya kasi, eh, wala pa siyang napakukulong na korap at wala pa rin siyang gaanong nababawi na mga nakaw na yaman na ikinabangkrap ng pamahalaan na kanyang nadatnan.

O baka naman naiinis siya sa kanyang sarili dahil sa kanyang kainutilan sa harap ng krisis sa langis at toll, at sa lumalalang gutom simula nang maging boss siya? Rey Briones

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply