Wawa Willie

NAKAUSAP ko kahapon ang aking biyenan at gaya ng karamihan sa matatandang babae na kagaya niya ay abot hanggang langit ang pagtatanggol niya sa idolo nilang si Willie Revillame.

Sa tingin ng mga tagahanga niya ay may mga taong gustong lang sirain si Willie at pinagkakaisahan siya para ibagsak ang programa niya.

Sa mga hindi pa nakakaalam ay muli na namang nasabit sa kontrobersiya si Willie dahil sa ginawa niyang pagpapasayaw ala macho dancer habang umiiyak ang anim na taong gulang na batang si Jan-jan sa isang episode ng programa niya sa Channel 5 na Willing-Willie.

Sa unang tingin ay tila wala namang masama sa ginawa ni Jan-jan at marami din namang natuwa sa pagsasayaw niya.

Pero biglang nagulo ang mundo ni Willie at ng mga bossing niya ng bumaha ang reklamo laban sa ginawang pagsasayaw ni Jan-jan.

Ang sabi ng mga reklamador ay isa daw malinaw na kaso ng child abuse at exploitation ang ginawa ni Willie sa bata lalo na at binayaran pa niya ang handler nito na tita pala niya ng diyes mil.

Noong una ay kinakantiyawan pa ni Willie ang mga bumabatikos sa kanya na pawang mga mahilig lang daw sa Twitter at Facebook at iba pang social networking sites.

Pero sa huli ay biglang naintindihan niya ang bigat ng kanyang ginawa nang magpahayag na din ng pagtutol hindi lamang ang mga bloggers at netizens kundi maging ang ibat-ibang ahensiya ng gobyerno gaya ng Commission on Human Rights (CHR) , Department of Education at iba pang concerned agencies.

Ang resulta ay naobliga si Willie at ang network niya na mag-issue ng public apology pero tila huli na ang lahat at mukhang nag back fire pa ang ginawa nilang paghingi ng paumanhin.

Nag-umpisa na ang mga malalaking sponsors niya na mag-pull out ng ads gaya ng Mang Inasal sa ilalim ng Jollibee Group of Corporations at sinundan pa ito ng imbestigasyong binuksan ng Movie Television Review and Classification Board (MTRCB).

Hindi na din nagpahuli ang Catholic Bishops  Conference of the Philippines (CBCP) sa pagkondena na siyang nagtulak sa iba pang mga advertisers gaya ng Del Monte, Unilever at Procter and Gamble na gumagawa ng ibat-ibang beauty and health products na iatras ang kanilang mga ad placements.

Dahil na din sa tindi ng pressure at batikos na inabot ni Willie ay nagpasiya siya na huwag na munang i-ere ang programa niya sa loob ng dalawang linggo simula ngayong araw ng Lunes.

Pero mukhang marami pa din ang hindi nasiyahan at sabi nila ay inunahan lang ni Willie ang iba pang mga kumpanya na inaasahang magpu-pull out din ng kanilang ad placements lalo pa at alam nila na hindi din magiging paborable ang magiging desisyon ng MTRCB sa programa.

Tsk! tsk! , kawawa naman si Willie kung tuluyan na ngang matsugi ang ang programa niya.

Sabagay ay mayaman na siya at mabubuhay na siya pati ang mga pamilya niya kahit di na siya mag-trabaho pero sa isang banda ay kawawa din naman ang libu-libong tao na umaasa at naghihintay ng konting biyaya na ibinibigay ng programa niya.

Sana naman ay hindi matapos sa puro batikos lang ang mga kritiko ni Willie at gumawa din sila ng paraan na mapasaya kahit man lang sandali ang maraming taong gaya ng biyenan ko na talagang idolo si Willie. Bobby Ricohermoso

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply