‘Chedeng’ bibisita sa Pinas

NAGBABALA ang Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa mga kinauukulan sa pagpasok ng panibagong bagyo na pinangalanang “Chedeng” sa Lunes, Mayo 23.

Ayon sa PAGASA, ang tropical depression “Chedeng “ ay lumalakas habang papalapit ang bansa

Sinabi ni PAGASA Forecaster Aldczar Aurelio na Lunes ng madaling-araw ito inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) dahil sa pagbagal ng galaw nito.

Inaasahang mararamdaman ang paghagupit ng bagyo sa bahagi ng Bicol at Silangang Visayas at kasalukuyan pa itong kumikilos sa Pacific Ocean.

Nagbabala ang mga kinauukulan sa posibilidad na sasabay sa pagpasok ng panibagong bagyo ang pag-alburuto ng mga aktibong bulkan sa bansa.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Dir. Benito Ramos, sinabi ng opisyal na may tsansa na sabay-sabay ang mararanasang kalamidad.

Ito umano ang dahilan kung bakit mahigpit ang kanilang babala sa mga local government units (LGUs) at mga concerned government agencies na paigtingin ang preparasyon para masiguro ang “zero-casualty target.”

“Kinakabahan ko lang dito ay kung magsabay ang alburuto ng bulkan at bagyo. Mas malaki ang sakit ng ulo natin,” ayon sa opisyal.

Binanggit ni Usec. Ramos na batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), may tsansa sa posibleng pagsabog ng bulkang Mayon sa Albay, Bulusan sa Sorsogon at Taal sa lalawigan ng Batangas.

Samantala, lalo pang lumakas ang tropical storm na may international code name “Songda” na huling namataan sa layong 1,160 kilometro, silangan ng Northern Mindanao.

Ayon naman kay PAGASA forecaster Elvie Enriquez, posibleng Linggo ng gabi o Lunes ng umaga ay papasok na ito sa Philippine area of responsibility.

Maalala na sa nagdaang bagyong Bebeng, 35 katao ang iniwang patay habang umabot sa mahigit P1 billion ang halaga ng pinsala. Amor Virata

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply