‘Good News website’ ni PNoy walang silbi

HINDI bumilib si Senate Majority Leader Vicente Sotto III sa inilunsad na  “Good News Website” ng Palasyo dahil walang silbi ang proyekto na maiparating sa publiko ang magagandang nagawa at gawain ng administrasyon.

Sa halip, ayon kay Sotto, dapat kumuha ng magagaling na advertising agency ang Palasyo upang maiparating sa publiko ang magandang proyekto at programa ng administrasyon at mapanatili ang mataas na satisfaction ratings ni Pangulong Benigno Aquino III.

“Magandang idea, pero ang baril dun sino ang pupunta sa website na yun? Baka ang pupunta sa website eh puro supporter mo rin,” katuwiran ni Sotto sa isang programa ng DwIZ.

Isa ang senador sa naniniwala na kaya bumagsak ng 18 percent ang satisfaction rating ng Pangulo sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS) ay dahil sa paksyon sa loob ng administrasyon.

“Yun siguro ang nagko-contribute, yung mga paksyon-paksyon na yan at iba pang factors ‘yan siguro ang nagko-contribute sa pagbaba ng rating ni President Aquino,” giit ng senador.

Aniya, ang Presidential Communications Group ang nakatoka upang maiparating sa publiko ang magandang nagawa ng Pangulo, pero hindi nagiging epektibo ang kanilang trabaho sanhi ng paksyon sa loob ng tanggapan.

Binigyang-diin pa ni Sotto na kailangang komonsulta na ang Malakanyang sa magagaling na advertising agency sa bansa upang gawan ng repackaging  ang Pangulo sa ikakaganda ng kanyang imahe sa publiko.

“Palagay ko pinakamaganda komunsulta sila sa mga magagaling mag-advertise, o magagaling sa mga promo o magagaling sa ika-nga pagdating yung pagdating sa tao ang impormasyon, they need communicators,” giit ng senador.

Naniniwala si Sotto na kaya pang mapigil ng Pangulo ang pagbaba ng kanyang satisfaction rating kung tama lamang ang magiging hakbang niya sa problemang ito. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply