1 patay, 1 sugatan nang biglaang magrambulan

PATAY ang isang lalaki habang sugatan naman ang isa nang mauwi sa malagim na trahaedya ang masayang inuman ng magkakaibigan matapos pagbabarilin ang mga ito ng ‘di nakilalang suspek Biyernes ng madaling araw, Mayo 6, sa Parola, Tondo, Maynila.

Kinilala ni P/Insp. Armand Macaraeg, hepe ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section ang biktima na nasawi na si Ronaldo Morgan, 29, kargador, ng Parola, Tondo.

Inoobserbahan naman sa Gat. Andres Bonifacio Hospital ang sugatan na si Juven Berguro, nasa hustong gulang, ng nasabi ring lugar.

Ayon sa pulisya, pasado alas-dos ng madaling araw nang magulantang ang mga residente sa lugar nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril.

Nabatid na masayang nag-iinuman umano ang magkakaibigan na kinabibilangan ng mga biktima nang bigla na lamang magkaroon ng rambulan at habulan sa lugar sa hindi pa malamang dahilan.

Natagpuang sa lugar na pinag-iinuman na nakadapa’t duguan si Berguro kaya agad itong isinugod sa nasabing pagamutan na kasalukuyan pa ring nilalapatan ng lunas sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa kanyang katawan.

Ilang metro lamang ang layo ay nakita naman ang bangkay ni Morgan na pinaniniwalaang nakatakbo pa at nakorner na lamang sa lugar malapit sa bahay ng kanyang kamag-anak at saka pinagbabaril.

Blangko naman ang mga awtoridad sa motibo at pagkakilanlan ng mga suspek dahil takot ang mga residente na magsalita hinggil sa naganap na insidente.

Gayunpaman, patuloy pa rin ang isinasagawang pag-iimbestiga ng pulisya upang maaresto ang mga suspek.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply