1 patay nang malibing sa hinuhukay na drainage

TODAS ang isang construction worker habang malubha ang isa pa matapos na matabunan ng gumuho ang hinuhukay na drainage sa Pasig City, iniulat ngayon, Martes, Mayo 31.

Kinilala ni Pasig City chief of Police P/Sr. Supt. Jessie Cardona ang nasawi na si Anthony Ignacio, nasa hustong gulang, residente ng Barangay San Jose, Bulacan.

Nilalapatan naman ng lunas sa Amang Rodriguez Medical Center si Nelson Bilante, nasa hustong gulang, residente ng Brgy. Pila, Bulacan habang nakaligtas naman si Agustin Dela Rosa, 41, may-asawa, residente naman ng Villa San Isidro, Caluag, Quezon.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong 4:35 ng umaga sa kahabaan ng Marcos Highway, Brgy. Dela Paz, Pasig City.

Nabatid na nagkakabit ng kongkretong tubo ang mga biktima sa bagong hukay na apat na metrong kanal sa Marcos Highway nang biglang gumuho ang lupa at natabunan ang tatlo.

Agad namang nakaahon si Dela Roya habang naiwan ang dalawa na hinukay pa ng mga kasamahan at saka isinugod sa ospital kung saan binawian ng buhay si Ignacio.

Ayon kay Dela Roya, patapos na sila sa pagkakabit ng tubo nang biglang bumigay ang lupa dahil na rin sa pagdaan nang mabibigat na sasakyan.

Ang hukay ay patawid sa kabilang kalsada kung saan nagkakabit ng konkretong tubo ang mga biktima na magsisilbing drainage sa kahabaan ng Marcos Highway.

Ang tatlo ay pawang kawani ng Human Road and Bridges Corporation na nag-sub contract naman sa  Frilou Construction.

Nagsasagawa na nang imbestigasyon ang pulisya kung mayroong pananagutan ang nasabing mga kompanya sa naganap na pagguho.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply