1 sa 2 holdaper tigok sa parak

PATAY ang isang holdaper habang nakatakas naman ang kasama nito nang makipagbarilan sa mga tauhan ng Manila Police District sa Ernita, Maynila, Martes ng madaling araw, Mayo 24.

Ang di nakilalang napatay sa engkwentro ay tinatayang nasa edad 35 hanggang 40 anyos; nakasuot ng puting polo shirt na may nakapaloob na puting t-shirt; naka-brown slack; puting rubber shoes; naka-bull cap at tadtad ng tattoo sa katawan, habang ang nakatakas na kasama nito ay nakasuot din ng puting t-shirt at maong na pantalon ay hindi rin nakilala.

Batay sa ulat na ipinarating ni P/Supt.Frumencio Bernal, station commander ng MPD-Ermita Police Station 5, dakong 1:38 ng madaling araw nang maganap ang nasabing insidente sa Padre Burgos at Aroceros Sts., sa tabi ng Metropolitan Theater sa Lawton, sakop ng Ermita.

Nabatid sa report ng pulisya, isang Grace Perez, 24-anyos, dalaga, residente ng Blk. 43 Lot 13, Saint Anthony Vilage, Dasmariñas, Cavite ang umano’y target ng dalawang lalaki.

Sa salaysay ni Perez, habang naglalakad siya sa P. Burgos, pagsapit niya sa harapan ng Park & Ride sa Lawton, isa sa dalawang holdaper ang biglang sumulpot. Sa puntong ito, tinutukan siya ng baril ng suspek saka nagdeklara ng holdap habang ang kasama nito ang nagsilbing look-out.

Matapos makulimbat ang pakay sa biktima, mabilis na tumakas ang dalawa.

Agad namang nagreport ang dalaga sa mga nagpapatrulyang tauhan ni Supt. Bernal na lulan ng Mobile Patrol.

Minabuti ng mga awtoridad na magpatrulya sa magkahiwalay na lugar at base sa diskripsyon na ibinigay ng biktima sa mga awtoridad, namataan ng mga ito sa nasabing lugar.

Nang makita ng mga salarin ang mga pulis ay nagpaputok ang isang holdaper. Dahil dito, napilitan na ring magpaputok ng mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng isa samantalang nakatakas naman ang kasama nito dala ang mga nakulimbat ng dalaga.

Narekober ang .38 kalibreng baril na paltik na ginamit ng holdaper.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply