10 Pinoy natotodas kada oras dahil sa sigarilyo

SAMPUNG Pinoy ang namamatay kada oras sanhi ng paninigarilyo maliban pa sa pabata nang pabata ang naaadik sa nasabing bisyo.

Ito ang inihayag ng Philippine College of Chest Physician (PCCP) base na rin sa mga datus na kanilang nalikom.

Ayon kay Dra. Maricar Limpin, pangulo ng PCCP at Executive Director ng Framework  Convention on Tobacco Control Alliance of the Philippines (FCTCAP), umabot na sa 18 milyong Pilipino ang naninigarilyo,  mula edad 16 pataas base na rin  sa datus noong 2010.

Napag-alaman pa ng grupo na mas mataas din ang bilang ng second hand smokers na tinatamaan ng sakit kumpara sa mga gumagamit ng sigarilyo kung saan umabot sa singkwenta porsyento (50%) ng kabuuang populasyon o 47 milyong Pilipino ang nagkakasakit dahil sa pagkaka-expose sa usok ng sigarilyo.

Kasabay nito, pinapurihan ng PCCP ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa inilunsad nilang bawal na ang manigarilyo sa mga pampublikong lugar.

Hamon pa ni Limpin sa mga MMDA enforcer, maging ehemplo sana at dapat sila mismo  ay tumupad sa proyekto ng tanggapan.

Ginawa ng grupo ang pahayag kasabay ng paggunita sa World No Tobacco Day sa Hunyo 1.

Samantala, ipinagmalaki naman ni MMDA Chairman Francis Tolentino na naging matagumpay ang  kanilang isinagawang launching na gawing Smoking Free ang kalakhang Maynila sa tulong na rin ng iba’t ibang Local Government Unit pati na ng Land Transportation and Regulatory Board.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply