100% smoke-free Metro Manila, malabo

MALABONG maipatupad ang batas para pigilan ang publiko sa paninigarilyo kahit ipatupad ang “no smoking law” sa mga pampublikong lugar.

Ipinaliwanag ni Dr. Steve Paredes, isang psychologist, ang kanyang naging pahayag na mahihirapan ang gobyerno hinggil sa bagay na ito dahil sa katigasan ng ulo ng Filipinong naaadik sa sigarilyo.

Kasabay naman nito, nagpaliwanag din si Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ukol sa ipinapatupad na “100 percent smoke-free Metro Manila” campaign, na hindi naman ipinagbabawal ang paninigarilyo.

Ayon kay Tolentino, ang batas na ipinapatupad ay nag-aabiso sa mga maninigarilyo na gawin ito sa designated areas.

Giit pa ng MMDA, hindi ito total smoking ban. Layon aniya ng batas na bigyang halaga ang karapatan ng mga taong hindi nagyoyosi na makalanghap ng malinis na hangin at malibre sa second hand smoke na batay sa pag-aaral ng Department of Health (DoH) ay nagdudulot ng maraming sakit.

Pinagkasunduan ng mga alkalde sa Metro Manila na ang buwan ng Hunyo ang dry run at ang mahuhuli ay bibigyan ng warning.

Sa Hulyo naman ang implementasyon nito na kung saan maaaresto na ang mga lalabag at saka titiketan, pagmumultahin o kaya ay oobligahing mag-community service.

Kabilang sa mga pampublikong lugar na bawal ang pagyoyosi ay ang mga eskwelahan, ospital, youth recreation centers, overpasses at mga underpass, loading at unloading areas, transport terminals, kabilang din ang mga side walks at mga pampublikong sasakyan.

Ang pagpapaigting sa kampanya laban sa paninigarilyo ay sa harap ng “World No Tobacco Day” ngayon, Martes, Mayo 31, na matagal nang idineklara ng United Nations.

Sa “World No Tobacco Day”, umaabot sa 34 government offices, hospitals at local government units (LGUs), mula sa 89 na mga nominees, paparangalan ng DOH ng Red Orchid Award bilang mga 100 percent tobacco-free environments.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply