12 taon kulong sa Facebook hackers ikinasa

AABOT sa 12 taong pagkakabilanggo at magmumulta ng P800,000 ang sinumang mapatutunayang illegal na manghimasok sa pribadong social networking sites tulad ng Facebook at iba pang account sa internet.

Ito ang nais ni Sen. Antonio Trillanes IV na parusa sa panukalang batas na inihain nitong Lunes bilang bahagi ng isang kumprehensibong burador ng patakaran upang sugpuin at labanan ang lumalalang cyber crimes.

Sa Senate Bill Blg. 14, ipinapapataw ni Trillanes ang mabigat na parusa laban sa mga gagawa na cyber crime tulad ng pagkabilanggo ng hanggang sa 12 taon at multa na aabot hanggang P800,000.

“Batid ng lahat ang kahalagahan ng mga computer dahil napapadali nito ang pag-iimbak at pag proseso ng samu’t saring impormasyon at nakatulong nang husto sa paglinang ng industriya, pagbabangko, telecommunications at engineering,” paliwanag ni Trillanes.

Ngunit, ipinag-aalala din ng senador ang kaakibat na panganib sa makabagong teknolohiyang ito na karaniwan ay pinagmumulan ng bagong uri ng kriminal at krimen tulad ng hindi awtorisadong pagkalap ng mahahalaga at pribado o personal na impormasyon na ginagamit ng ilan upang pagkakitaan.

“There is a need for the Philippines to have a law that will define cyber crimes, identify punishable acts involving computers with corresponding penalties, determine legal procedures for the investigation and prosecution of cyber crimes, clarify jurisdictions, provide for a clause on mutual assistance and cooperation, and identify a local body that shall be responsible for providing 24/7 assistance to foreign entities in the resolution of cyber crime cases,” ani Trillanes.

Layunin ng panukala na tukuyin at linawin ang mga gawain na maituturing na cyber crime kabilang na ang pagnanakaw ng personal at mahahalagang impormasyon, panggagaya, cybersex, child pornography, trafficking, prostitusyon at panghihingi ng salapi.

Naglalayon din itong lumikha ng Computer Emergency Response Council (CERC) sa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo na mangangasiwa sa pagbuo at pagpapatupad ng pambansang action plan sa pagsugpo sa cyber crime.

Nais din ni Trillanes na makipag-ugnayan ang pamahalaan sa ibang bansa para sa pagtunton, pag-imbestiga at pag-usig ng cyber crime.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply