12,000 DH patungong Saudi haharangin

NASA bingit ng alanganin ang katuparan ng pangarap na makapagtrabaho sa Saudi Arabia ng may 12,000 domestic helper (DH).

Ito ay kung aaprubahan ng limang bansa sa isinasagawang dalawang araw na Asian Parliamentarians Forum on Migrant Domestic Workers dito sa Batasan Complex ang tuwirang “decertification” sa Saudi upang makansela na ang pagtungo dito ng mga domestic helper.

Sa forum na ito na isinulong ng House committee on overseas workers affairs (COWA), na pinamumunuan ni Akbayan Rep. Walden Bello, ay kabilang ang Cambodia, Indonesia, Bangladesh at Sri Lanka.

Ani Bello, may 8,000 Pinoy domestic helper ang hindi na maaaring payagan magtungo sa Saudi habang walang malinaw na labor agreement sa pagitan ng dalawang bansa.

Hindi pa aniya kabilang dito ang may 6,000 re-hires o umuwi lamang para magbakasyon.

Inirekomenda ng COWA ang decertification sa Saudi matapos na matuklasan ng mga miyembro ng komite na dumalaw doon, na napakalaking bilang ng Pinoy DH ang nagkakaroon ng kaso at may problemang kinakaharap gaya ng panggagahasa, pang-aabuso at hindi pagpapasahod.

“Dapat talaga dito ay ipatupad ng mahigpit ang batas,” ani Bello. “Dapat maingat dito ang POEA para hindi malusutan ng mga ahensya na ibang job orders ang iniaalok sa mga OFW subalit pagdating ng Saudi o iba pang bansa sa Gitnang Silangan ay domestic helpers ang kinasadlakan.”

Layunin ng forum na hikayatin ang Cambodia, Indonesia, Bangladesh at Sri Lanka na maglatag ng iisang posisyon sa mga bansang destinasyon ng mga domestic helper upang masiguro na walang mga pag-abusong mangyayari sa kani-kanilang mamamayan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply