13 Pinoy cue artist tutumbok sa top 64 ng WTBC

MAKIKIPAGBAKBAKAN ngayong araw, Mayo 13, ang 13 Filipino cue masters na nakapasok sa top 64 ng 2011 World Ten Ball Championships (WTBC) na ginaganap sa World Trade Center, Manila.

Unang sumargo kaninang 12 ng tanghali si former Asian Games gold medalist Antonio “Gaga” Gabica habang ala-dos naman ng hapon tutumbok si Jeffrey “The Bull” De Luna matapos nilang manalo sa group stage sa event na inorganisa ng Billiards & Snookers Congress of the Philippines at Raya Sports.

Makakalaban ni Gabica si Manuel Pereira ng Portugal habang makakasarguhan ni De Luna si former Philippine Pool Open ruler Ricky Yang ng Indonesia.

Ang ibang Pinoy bets na pumasok sa round-of-64 ay sina reigning World 8-Ball king Dennis “Robocop” Orcollo, former World 9-Ball Championship king Ronnie Alcano, 17-year-old Jonas Magpantay, Carlo Biado, Roberto Gomez, Demosthenes “Plong Plong” Pulpul, Venancio Tanio, Marvin Tapia, Jundel Mazon, Jericho Bañares at former BSCP National Pool champion Lee Vann Corteza.

Inaasahang may malalagas sa hanay ng mga Pinoy sa pagsargo ng knockout stage dahil makakaharap ni Alcano ang kapwa Pinoy na si Pulpul habang magsisibakan din sina Gomez at Biadio, gayun din si former World Junior contender Bañares ay makakalaban si Mazon.

Pipilitin naman ni Orcollo na tapusin si Mario Mora ng Canada upang mapalakas ang tsansyang masungkit ang nasabing prestihiyosong event na sanctioned ng World Pool Association, (WPA).

Si Lo Liwen ng Japan naman ang ka-date ni Magpantay sa lamesa ng bilyaran habang pihadong dadaan sa butas ng karayom si Tanio para talunin si former US 9-Ball champion Shane Van Boening ng USA.

Samantala, si Corteza na huling Pinoy na pumasok sa top 64 matapos daigin si Raj Hundal ng India, 9-4 kagabi ay makakalaban si Lu Hui Chan ng Chinese Taipei.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply