2 bagets patay sa landslide sa Davao

PATAY ang dalawang bata matapos matabunan ng gumuhong tone-toneladang bato at lupa ang kanilang bahay sanhi ng malakas na pag-ulan sa Barangay Coronon, Sta. Cruz, Davao del Sur, sa ulat ng local disaster unit.

Sa ulat na nakarating sa Office of Civil Defense mula kay Adelaida Badilla ng Mindanao Disaster Risk Reduction Management Council, kinilala ang mga biktima na sina Jenelyn Sarocam, 9-anyos at ang kapatid nito na si Jenesa, isang taong gulang.

Wala sa loob ng bahay ang mga magulang ng mga bata nang matabunan ng bato at lupa ang kanilang bahay.

Samantala, isang bata naman ang namatay matapos malunod sa baha.

Ayon sa MDRRMC, una nang tinangay ang tatlong bata ng baha sa Malagamot, Davao City at na-rescue ang dalawang bata pero hindi nailigtas ang batang kinilala sa pangalang Bong-Bong Bandalones.

Kasalukuyang pinaghahanap pa ang isang binatilyo na natangay din ng matinding pagbaha.

Samanatala, muling  sinalanta ng serye ng landslide ang isang barangay sa bayan ng T’boli dahil sa dalawang araw na pagbuhos ng malakas na ulan.

Ayon kay T’boli Municipal Councilor Debu Tuan, nangyari ang landslide sa bulubunduking bahagi ng Barangay Kematu, malapit sa mga mining tunnel na nagkaroon na rin ng kalamidad kung saan apat na minero ang namatay.

Sa ngayon, inaalam na ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang kabuuang pinsala ng panibagong landslide at kung may mga residenteng apektado.

Samantala, kinumpirma naman ng nasabing opisyal na patuloy pa rin ang iligal na pagmimina sa ilang mining tunnel sa T’boli sa kabila ng stoppage order na inilabas ng provincial government.

Hindi umano inalintana ng mga residente ang peligro ng landslide sa mga minahan dahil walang ibang hanapbuhay ang mga tao.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply