2 ex-DOH secretaries pumalag kay Sotto

PUMALAG ang dalawang dating kalihim ng Department of Health (DOH) sa alegasyon ni Sen. Vicente Sotto III na umano’y nagkaroon ng korapsyon sa P2.6-bilyon pondo ng DOH na ginamit para sa programa nito sa Family Health.

Hinamon rin nina dating Health Secretaries Francisco Duque III at Esperanza Cabral ang senador na patunayan ang kanyang alegasyon at beripikahin ito sa Commission on Audit (COA).

Ang dalawa ay kapwa nagsilbing health secretaries sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Ayon sa kanila, “unfair” ang paratang na korapsyon ni Sotto sa DOH.

Nagpahayag rin ng paniniwala si Cabral na may hidden agenda ang ginawang privilege speech ni Sotto – ang sirain ang lumalakas na suporta sa RH bill.

“Hindi naman basta-basta inilalabas ng DOH ang pondo. May proseso iyan. May report diyan ang Commission on Audit at sana ay busisisin muna ito,” paliwanag ni Cabral.

Sa panig ni Duque na ngayon ay chairman ng Civil Service Commission (CSC), hiniling nito sa COA na magpalabas ng audit report  kaugnay ng kinukuwestiyong Family Health program.

Naniniwala si Duque na sa pamamagitan nito ay mabibigyang-linaw ang akusasyon ni Sotto.

Tiniyak rin ni Duque na handa ito sa anumang imbestigasyon na gagawin ng Senado ukol sa usapin kasabay ng pagsiguro na may mga dokumento ang ahensya na magpapatunay na naipatupad ng wasto ang naturang programa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply