2 miyembro ng Dugo-Dugo kalaboso

HIMAS-REHAS ngayon ang dalawang miyembro ng Dugo-Dugo Gang matapos na biktimahin ng mga ito ang katulong ng isang medical doctor ng Pasig City General Hospital.

Nakialala ang mga suspek na sina Violeta Mallari, alyas Armida Magdamo, 35, may-asawa, walang trabaho,  ng Ilang-ilang St., Pandacan, Maynila at si Noli Espenida, 37, binata, walang trabaho at residente ng 1856 San Diego St., Paco, Maynila.

Ang pagkakaresto ng mga suspek ay bunsod na rin ng reklamo ng biktimang si Jefferson Mendoza, 29, doktor, residente ng Mahogany St., Green Land Phase II Nanca, Marikina City.

Sa isinumiteng report ng MPD-Station 3 sa MPD Headquarters, dakong 8:20 Lunes ng gabi, Mayo 16, nang maaresto ang mga suspek sa isinagawang follow up operation sa pangunguna ni P/Sr.Insp.John Guiagui hinggil sa reklamo ng biktima.

Nauna rito, tinawagan umano ng mga suspek ang katulong ni Mendoza na si Marcela Artienda, at sinabing naaksidente ang kaniyang amo at kinakailangan nitong dalhin ang mga alahas sa Plaza Miranda sa Quiapo, Maynila.

Nang dadalhin na umano ng katulong ang nasabing mga alahas sa napag-usapang lugar ay biglang nagbago ng venue ang mga suspek at sa pamamagitan ng cell phone ay sinabing sa harapan na lamang ng Manila Post Office sa Lawton sila magkita.

Dahil dito, sumakay ng FX hanggang Cubao si Artienda  (kasambahay) at lumipat sa taxi hanggang Lawton.

Ayon kay Artienda, sinabi umano ng suspek na babae na nakabangga ang kanyang amo ng bata.

Habang nasa biyahe ang katulong ay nakipagkuwentuhan ito sa taxi driver na di  napangalanan. Mula sa narinig ng taxi driver kay Artienda, mukhang bibiktimahin ito ng Dugo-Dugo Gang kung kaya’t pinayuhan nito si Artienda na idulog ito sa pulis.

Nangako naman kay Artienda ang taxi driver na tutulungan siya. Agad na hininto ng driver ang kanyang taxi at humingi ng tulong sa mga pulis.

Dahil dito, nagsagawa ng plano ang mga awtoridad upang mahuli ang mga suspek.

Pumoste ang mga ito sa napagkasunduang meeting place ng suspek at ni Artienda.

Nang nasa Flag pole sa Manila Post Office na si Artienda ay nilapitan siya ng mga suspek. Dito na inaresto ng mga awtoridad ang mga suspek habang iniaabot ang mga alahas na nakabalot sa tela.

Nabawi naman ang mga alahas ni Mendoza at nakuha rin ang mga papel de ahensya kung saan isinasanla umano ng mga suspek ang kanilang nakukulimbat na alahas sa kanilang mga nabibiktima.

Sina Mallari at Espineda ay sasampahan ng kasong swindling.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply