2 passport fixer tiklo sa DFA

NATIMBOG ng mga tauhan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang dalawang passport fixer sa isinagawang entrapment operation matapos na makatanggap ng reklamo ukol sa panloloko ng mga ito.

Ayon sa pahayag ngayong Martes ng DFA, nadakip ng mga tauhan ng Office of Intelligence and Security Services (OISS) ang dalawang suspek malapit sa Office of Consular Affairs (DFA-OCA) sa bahagi ng Macapagal Avenue, Parañaque.

Pansamantalang hindi binanggit ng DFA ang pangalan ng mga naarestong fixers.

Ang mga suspek ay nadakip dahil sa reklamo ng isang babaing aplikante ng pasaporte na biniktima umano ng mga ito noong ika-18 ng Mayo, dakong 5:00 ng hapon sa consular office.

Sa pahayag ng biktima sa DFA security officers, natakot siyang lumabas ng gusali dahil inaabangan umano siya ng dalawang fixer na kanyang naka-deal sa pagpoproseso ng kanyang passport. Hinihingian umano siya ng mga ito ng karagdagang P5,000.

Dahil dito, inilatag ng mga awtoridad ang isang entrapment operation at nakipagkasundo ang babae na makipagkita sa dalawang suspek sa kalapit na convenience store.

Habang tinatanggap ng mga suspek ang markadong salapi sa biktima, agad na kumilos ang mga tauhan ng DFA na nagresulta pagkaka-aresto ng mga ito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply