2,000 turista inaasahang susugod sa Palawan Reef

TINATAYANG 2,000 dayuhan at lokal na turista ang dadalaw ngayong summer sa ipinagmamalaki ng lalawigan ng Palawan na Tubbataha Reef Natural Park sa bayan ng Cagayancillo, Palawan.

Ayon kay Glenda Simon, Information, Education Campaign Officer ng Tubbataha Reef Management Office, ngayon pa lamang ay umaabot na sa 1,000 mga dayuhan at lokal na turista ang nanggaling na sa nasabing parke. Kung kaya bago matapos ang dalawa pang natitirang buwan para sa panahon ng pagdalaw dito ay umaasa ang pamunuan ng Tubbataha Reef Management Office ang ganito ring dami ng mga turistang pupunta sa natural park.

Ayon kay Simon, tumaas ngayon taon ang mga lokal na turistang bumibisita sa Heritage Site, kung ikukumpara noong mga nakalipas na taon.

Bagama’t may kalayuan ito sa Puerto Princesa, mayroon ng limampung (50) trips ang naitala ng tanggapan ng Tubbataha Reef sa kasalukuyan, dagdag pa ni Simon.

Naniniwala rin ito na sa pamamagitan ng maigting na marketing strategy ng dive boat operators ng nasabing parke sa pandaigdigang merkado, lalong lalaki pa ang bilang ng mga turistang nais masilayan ang ganda ng nasabing protected area.

Inaasahang sa pangalawang linggo ng buwan ng Hunyo matatapos ang bugso ng mga turistang dumadalaw sa Tubbataha dahil ito ay panahon na ng tag-ulan at hindi na magandang dumalaw dito.

Matatandaan na idineklara ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) ang Tubbataha Reef Natural Park bilang isang World Heritage Site noong 1993.

Matatagpuan ito sa layong isang daan at limampung kilometro (150km.) southeast ng lungsod ng Puerto Princesa at isang daan at tatlumpung kilometro (130km) southwest naman ng bayan ng Cagayancillo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply