3 kulong ng 6-10 taon sa pagtatapon ng basura sa ilog

KULONG ng 6-10 taon ang tatlong lalaking nahuling nagtatapos ng basura sa ilog ayon sa pahayag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ayon sa report, nahuling nagtatapon ng liquid waste sa isang kanal sa Bagong Silang, Caloocan City sina Allan Lumanog, Ariel Olaje at Arwin Reyes.

Sa desisyon ng Regional Trial Court Branch 27 ng Caloocan City, napatunayang nagkasala sina Lumanog,  Olaje at Reyes sa paglabag sa Republic Act (RA) 9275 o Philippine Clean Water Act of 2004 kaya hinatulan sila ng pagkakakulong.

Ayon kay Roberto Sheen, regional director ng Environmental Management Bureau- National Capital Region (EMB-NCR), matatawag na “environmental victory” ang pagkapanalo nila sa kaso.

Ayon naman kay DENR Secretary Ramon J. P. Paje, tama lamang na maparusahan ang tatlong lalaki upanfg hindi pamarisan.

Aniya, sa pagsira sa kalikasan, lahat ng tao, hayop at halaman ay naaapektuhan.

Sa mga ebidensiya, nahuli sina Lumanog, Olaje at Reyes na nagtatapon ng toxic waste ng mismong mga opisyal ng Barangay Bagong Silang sa Caloocan City.

Inubos umano ng tatlo ang laman ng 46 plastic containers na pinaglagyan liquid waste na may mataas na konsentrasyon ng copper at zinc ayon sa technical staff ng EMB-NCR.

Ang nasabing mga compound ay klasipikadojng hazardous wastes sa ilalim ng DENR Administrative Order 2004-36, na nagpapalakas sa implementasyon ng RA 6969, o Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Control Act of 1990.

Ayon sa mga barangay officials, bago nahuli ang tatlo ay nagrereklamo na ang mga residente sa kanilang lugar dahil sa mabahong amoy ng hangin tuwing dumarating silang sakay ng isang jeepney.

Dahil dito, inabangan umano nila ang nasabing jeepney at nakita rin nila ang isang bahay na malapit sa isang kanal na patungo sa isang creek.

Nagsagawa ang mga barangay officials ng isang warrantless arrest nang maaktuhan nila ang tatlong nagtatapon ng toxic wastes, at agad silang ibinigay sa mga pulis kasama ang mga kumpiskadong ebidensiya. Nenet L. Villafania

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply