Adik na tricycle driver isinuko ng utol

ISINUKO ng nakakatandang kapatid sa tanggapan ng Station Anti-Illegal Drug Special Operations Task Group (SAID-SOTG) ang isang tricycle driver na sugapa sa ipinagbabawal na gamot Lunes ng hapon, Mayo 23.

Sa reklamong idinulog ni Janice M. Canlas, 30, OFW at nakatira sa Barangay Palingon, Tipas, Taguig City sinabi nito na hindi na umano nila makayanan ang sobrang pahirap na ipinadadanas sa kanilang pamilya ng nakababatang kapatid nito na nakilalang si Marcelino, 28, at nakatira rin sa nabanggit na lugar.

Kasama ng magkapatid sa SAID-SOTG ang Barangay Security Force (BSF) ng Palingon, Tipas.

“Gumon siya sa droga at para masustentuhan ang kaniyang n bisyo, ibinebenta niya ang mga kasangkapan namin sa bahay,” ani Janice.

Bukod sa ginagawa aniyang kabalbalan ni Marcelino, nagagawa pa umano nitong magwala at lapastanganin ang kanilang magulang kapag ito ay walang maipangbisyo.

“Natatakot kami sa maaari pa niyang gawin kung hindi namin siya ipagagamot.”

Sa isinagawang initial drug test ng SAID-SOTG lumitaw na positibong gumagamit ito ng pinaghalong marijuana at shabu.

Kumikilos na ang mga awtoridad na tulungan ang pamilya Canlas upang maipagamot ang kanilang kaanak. PP Corpus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply