Adik na pulis, sundalo, tanggal na, kulong pa

HINDI lamang pagkatanggal sa serbisyo kung ‘di pagkabilanggo pa ang naghihintay na kaparusahan sa mga pulis o sundalong mapatutunayang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.

Nakapaloob ito sa panukalang batas na pangunahing iniakda nina Iligan City Rep. Vicente Belmonte, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, at Cavite Rep. Elpidio Pidi Barzaga na nagsusulong sa mas mabigat na parusa sa mga tagapagpatupad ng batas na adik.

“Officers and members of the military and police or government employees found to be positive for drug use shall be penalized administratively which shall be ground for suspension or termination, subject to the provisions of Article 282 of the Labor Code and pertinent provisions of the Civil Service Law,” ani Belmonte.

Batay sa House Bill 3990, hindi lamang ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang dapat na isailalim sa mandatory random drug testing kung ‘di maging ang mga estudyante, empleyado ng gobyerno, mga tsuper at lahat ng kandidato sa panglokal at pang-nasyunal.

Sasagutin ng gobyerno ang random drug testing na isasagawa sa mga estudyanteng nasa high school at kolehiyo, gayundin din sa mga empleado ng pamahalaan.

Nakapaloob din sa panukala na ang “one-year effectivity” ng drug testing certificates ay gagawin na lamang pang-isang buwan.

Sa panig ng mga pulis at sundalo, sila ay obligadong sumailalim sa drug testing taun-taon.

Nahaharap sa apat hanggang 12 taon na pagkabilanggo at multang mula P10,000 hanggang P200,000 ang sinumang pulis o sundalong mapatutunayang gumagamit ng droga. Bukod pa rito, hindi na kailanman makababalik pa sa serbisyo ang mahulihan.

“Drug users are considered victims of the drug menace. But if the users have the responsibility to uphold the law as law enforcers, then they should be held criminally liable for violating the law,” dagdag pa ni Belmonte.

Hindi rin aniyang makakapagkunwari na “ignorante sa batas” ang sinumang pulis o sundalo, dahil sinanay umano ang mga ito humuli at magpatupad ng batas kabilang ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 or Republic Act 9165.

Nakahihiya, aniya, na nagkakaroon ng isipan ang publiko na huwag magtiwala sa mga pulis at sundalo dahil sa iilang nasasangkot sa droga.

Hindi rin dapat mag-isyu ang kinauukulang ahensya ng driver’s license, firearms license at permit to carry ang isang aplikante hangga’t hindi ito nakapagpapakita ng sertipikasyon na negatibo ito sa paggamit ng droga.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply