AFP ‘nagnakaw’ ng konsepto

HINDI lang pera ang ninanakaw ng mga kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Matapos masangkot sa katiwalian sa kanilang hanay, nanganganib na muli na namang makaladkad sa usapin ng nakawan ang AFP matapos hilingin ng isang organisasyon kay Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III na imbestigahan paggamit nito sa konsepto ng isang proyekto nang walang paalam.

Ayon kay Pinoy Music Combatants Inc. (PMCI) president at founding chairman na si Reynaldo Grande, ninakaw ng AFP ang konsepto ng isang konsiyertong ang PMCI ang siya aniyang naghatag sa Sandatahang Lakas.

Ang PMCI ay isang organisasyong itinatag upang pangalagaan ang karapatan ng mga Pilipinong manga-awit at mga kompositor laban sa mga gumagamit ng Original Pinoy Music (OPMs) nang hindi nagpapaalam sa kompositor at orihinal na mang-aawit.

Paliwanag ni Grande, nag-ugat ang hiling na pagpapaimbestiga matapos ang isinagawang Bayanihan Peace Caravan 2011—Himigsikan 2011: Rockrakan para sa Kapayapaan nitong nakalipas na Abril 27.

“Nagulat nalang kami (PMCI) nang mabasa namin sa mga pahayagan ang ginawang konsiyerto ng AFP at ng ilang OPM singers. Ramdam namin ang sakit na ginawa sa amin ng AFP,” saad ni Grande.

Sinabi pa ng tagapangulo ng PMCI na unang nakipagpulong ang organisasyon noong Nob. 24, 2010 sa Deputy Chief of Staff for Civil Military Operations, J7 sa pamamagitan ni Maj. Christopher Lee C. Patindol  kaharap din ang mga kinatawan ng Public Affairs/ Civil Military Operations Officers ng AFP-GHQ, Philippine Army (PA), at Philippine Navy (PN) upang balangkasin ang alok ng grupo na konsiyerto para sa kapayapaan.

Ilang araw lamang ang nakalipas ay muling nakipagpulong ang PMCI sa tanggapan ng noo’y AFP Chief of Staff Ricardo David sa pamamagitan ni GHQ Camp Commander General Remigio De Vera upang idetalye ang peace concert at iparinig ng live ang mga orihinal na mga awitin ng grupo.

“Nakarating kay dating AFP Chief General David ang aming mungkahi. Sa pamamagitan ng isang opisyal na mensahe niya ipinaabot ang pagsuporta sa aming konsepto at mga adhikain,” pahayag ni Grande.

Bukod kay David, walo pang tanggapan ng pamahalaan ang nagpaabot ng suporta sa konsepto kabilang ang kay Pangulong Aquino, Vice President Jejomar Binay, House Speaker Feliciano Belmonte, DND Chief Voltair Gazmin, Philippine Navy Flag Officer In-Command RADM Alexander Pama, Philippine Air Force Commanding General, GEN Oscar Rabena at dating National Commission for Culture and the Arts (NCCA) Chairman Vilma Labrador.

Ipinahayag pa ni Grande na nitong nakalipas na Pebrero 2011, isang pag-anyaya mula kay Patindol ang kanyang natanggap para himayin ang mungkahing “Konsiyerto sa Kampo” na kahalintulad ng konsepto ngunit Marso ng taon na ito ipinaabot ni BGen. Nonato Alfredo Peralta na hindi magiging ganap ang naturang konsiyerto dahil sa ipinatutupad nilang batas sa pagtitipid ng pondo ng Sandatahang Lakas.

“Tanggap ko at ng buong PMCI ang rason ng Sandatahang Lakas ngunit ang hindi katanggap-tanggap ay inutay-utay nila ang bawat titik at konseptong nakalahad sa aming mga liham at mungkahi at gamitin ng walang paalam o walang karampatang kabayaran para sa pinagpaguran naming,” ani Grande.

Dahil dito ay nananawagan ang PMCI na imbestigahan at patawan ng nararapat na parusa ang sinumang mapapatunayang nagkasala upang hindi na ito tularan ng iba pang ahensiya ng gobyerno.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply