AFP, PNP alerto sa ganti sa pagkamatay ni Osama

TITIYAKIN ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na hindi maipaghihiganti ng mga lokal na terorista ang pagkamatay ng international terrorist leader na si Osama Bin Laden.

“Magtutulungan ang PNP at AFP para masigurong mapipigilan ang mga sympathy o retaliatory attacks ng mga terrorista sa Pilipinas pero no need to raise the alert level of the PNP,” pahayag ni Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., PNP spokesperson nitong Lunes.

Sa kanyang text message sa mga mamamahayag sa Camp Crame, inamin ni Cruz na bagama’t malaking dagok ang pagkamatay ng sinasabing arkitekto ng 9/11 attack sa New York, Estados Unidos halos isang dekada na ang nakararaan ay aktibo pa rin ang mga galamay nito maging sa Pilipinas.

“Malaking kabawasan ito sa mga terorista,” aniya.

Naniniwala si AFP chief Gen. Eduardo Oban Jr., na ang pagpanaw ni Bin Laden ay simula ng “pagkamatay” ng mga lokal na teroristang grupo na umaasa sa tulong ng Al-Qaeda ng namatay na lider nila.

“The AFP is optimistic that Osama’s death would lead to the eventual demise of the links of the local terrorist group with Jemaah Islamiyah that has links with Bin Laden’s Al-Qaeda,” ayon kay Oban.

Tiniyak ng dalawang opisyal na hindi magluluwat ang pagbabantay ng militar at kapulisan upang matiyak na hindi makapoporma ang mga galamay ni Bin Laden sa bansa upang maghasik ng terorismo bilang ganti sa pagkamatay ng kanilang pinuno.

“We would like to assure the people that your AFP would remain alert and vigilant amidst this very significant development… the AFP will continue to implement IPSP Bayanihan to maintain peace and stability in the country,” ani Oban.

“Magtutulungan ang PNP at AFP para masigurong mapipigilan [ang] mga sympathy or retaliatory attacks ng mga terrorista sa Pilipinas pero no need to raise [the] alert level of the PNP,” ayon naman kay Cruz.

Ang partikular na tinutukoy nina Cruz at Oban ay ang grupong Abu Sayyaf (ASG), na umano’y may ugnay sa Al-Qaeda at nakabase sa Mindanao.

Napag-alaman nitong Lunes na kabilang si Bin Laden sa mga nasawi nang atakihin ng isang maliit na grupo ng puwersang Amerikano ang mansion ng terrorist leader sa Islamabad, Pakistan.

Ayon kay Pangulong Barack Obama ng Estados Unidos, narekober at nasa kanilang kustodiya ngayon ang katawan ni Bin Laden.

Nauna nang sinabi ng Philippine authorities na ang lokal na terorista sa southern Philippines, partikular ang Abu Sayyaf ay may kaugnayan sa Bin Laden’s Al-Qaeda network.

Ilan sa mga operatiba ng Jemaah Islamiyah, na iniuugnay na braso ng Al-Qaeda sa Southeast Asian region ay natiklo sa Mindanao.

Sa pagkamatay na ito ni Bin Laden, naniniwala ang PNP na hihina na rin ang puwersa ng Abu Sayyaf Group (ASG) na namemerwisyo sa Mindanao dahil na rin sa mapuputol na ang tulong at suportang ibinigay nito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply