Akyat-bahay ang ratratin hindi ang magbabakal

INILIBING na kahapon ang binatilyong niratrat ng pulis-Makati kamakailan.

Bagama’t sumurender na ang tatlong sangkot na pulis, puro takot naman ang nararamdaman ng pamilya ng biktima sa mga ito. Hindi nga naman sila nakasisiguro na hindi sila uubusin kung ipagpapatuloy nila ang kaso laban sa mga pulis.

Pero sinasabi ng mga magulang na haharapin nila ang mga pulis. Kaya lang, magagawa nila ito kung tutulungan sila ng mga kinauukulan.

Sa katagalan makikita kung paano aalagaan ng ibang mga pulis ang pamilya ng biktima.

May tinatanong ang tatay ng namatay na bata.

Wala kayang nakita ang bata at para hindi lumabas iyon, pinatay na lang ito?

Makahulugan, mga Bro, ang tanong. Dapat palalimin ng mga imbestigador ang kanilang imbestigasyon upang malaman ang katotohanan.

Yan ay kung totoong may gawang itinatago ang mga pulis at nabulilyaso ito nang may magawing bata sa pinuntahan nilang lugar.

Naghahanap ng mga bakal sa abandonadong gusali sa Kamagong St. ang bata, kasama ang dalawang iba pa nang ratratin sila ng mga pulis nang walang kalaban-laban. Mabuti na lang at nakakaripas ng takbo ang dalawa niyang kasamahan at naligtas ang mga ito sa tiyak na kamatayan.

oOo

Tutal yang mangratrat lang naman ang gusto ng mga utak-pulburang pulis na ito, dapat na sa Brgy. Palanan sila nagpunta.

Anak ng tokwa, ang daming sumbong sa atin na grabe ang akyat bahay riyan.

May mga seaman at kapitbahay ang mga ito na nag-inuman minsan ngunit dahil sa antok nila makaraan, pinasok at nilimas ng mga akyat bahay ang kanilang mga laptop, cellphone at iba pa.

Meron ding misis na nag-ipon ng pang-birthday ng kanyang anak pero kinulimbat ng mga akyat-bahay. Dalawang beses na itong naakyat-bahay.

Meron ding parlor na pinasok sa katanghaliang tapat hinoldap ang mga nasa loob nito.
Alam lahat ng mga opisyal ng barangay ito at mga pulis.

Ah yang mga pulis-Makati umano ay dalawang oras makaraan saka lang rumesponde. Ang Brgy. Palanan na may P18 milyon na badyet, wala naman daw masipag na magronda na tanod.

Mayor Junjun Binay, yan ba ang Makati?

oOo

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply