Albay handa sa pagtaas ng antas ng abnormalidad ng Mayon

MAHIGPIT na ipinag-utos ngayon, May 17, ni Albay Governor at Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) chair Joey Salceda ang polisiyang “no human activity” sa loob ng 6-kilometer permanent danger zone ng Bulkang Mayon matapos makumpirma na tumaas ang antas ng abnormalidad ng bulkan nitong mga nakalipas na araw.

Inihayag ni Salceda na ang pagtupad nang nasabing kautusan at ibayong pag-iingat ng mga mamamayan na nasa paligid ng mga mapanganib na lugar malapit ng bulkan, kabilang na ang mga ilog at iba pang daluyan ng tubig ay para maiwasan ang sakuna at masamang epekto ng nasabing nakaambang panganib.

Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), tumaas ang mga parameters na kanilang binabantayan kagaya ng namumuong lava dome sa crater nito, mas maliwanag na crater tanda ng pag-akyat ng lava, pagtaas ng bilang ng mga paglindol at pamamaga ng katawan nito, partikular ang naitala sa Buang station.

Iniulat rin ng Phivolcs na kung magpatuloy ang ganitong kondisyon ng bulkan, maaaring iakyat ang alarma ng bulkan, mula alert level 1 sa 2.

Kinumpirma rin ng mga taong naninirahan malapit sa paanan ng bulkan na bumababa ang lebel ng mga pinagkukunang tubig ng Daraga Water District.

Kaugnay nito, tinututukan ng Phivolcs ang kondisyon ng bulkan upang maibigay ang nararapat ng impormasyon at babala sa lokal na pamahalaan ng Albay at Office of the Civil Defense (OCD) Bicol para sa kaukulang hakbang.

Ayon kay OCD Bicol director Raffy Alejandro, handa ang kanilang tanggapan at iba pang ahensya ng gobyerno sa pagtulong sa Albay sa oras na lumala pa ang abnormalidad ng Mayon.

Tinalakay na sa isang pagpupulong kahapon (Mayo 16) ang mga hakbangin ng kahandaan ng bawat ahensiya ng gobyerno, kagaya ng mga trucks ng Philippine Army, Navy at Philippine National Police na gagamitin sa oras na lailanganin ang malawakang evacuation at handa na rin ang lugar na paglilikasan.

Bukod pa rito, sinabi rin ng opisyal na ganito rin ang kondisyon ng Bulkang Bulusan sa Sorsogon, na nasa alert level 1 gaya ng Mayon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply