Andal Sr. ipapatingin sa espesyalista sa Makati Med

NAGPALABAS ng rekomendasyon ang manggagamot ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na matingnan si Maguindanao massacre suspect Andal Ampatuan, Sr. ng isang espesyalista sa Makati Medical Center (MMC).

Sa resulta kasi ng pagpapakonsulta ni Andal, Sr. kina J/CInsp. Ma. Victoria E. Valeria, M.D., hepe ng Health Service Unit ng BJMP-National Capital Region, at CInsp. Lorna Terencio, maikokonsiderang may osteoarthritis sa kaliwang bukong-bukong ang dating gobernador ng Maguindanao.

“For referral to Dr. Glen Santos of Makati Medical Center for further evaluation and management as outpatient,” ayon pa sa sertipikasyong isinumite ni Valeria sa korte tungkol sa kaukulang aksyon na dapat gawin sa kalagayan ni Andal, Sr.

Ayon sa isinumiteng ulat ni Chief Insp. Glenford Q. Valdepenas, warden ng Quezon City Jail Annex, kay Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) Branch 221 Presiding Judge Jocelyn Solis-Reyes, natignan ng BJMP physicians si Andal, Sr., umaga ng Miyerkules, Mayo 4.

Matatandaan na hiniling ng patriarko ng angkan ng mga Ampatuan na muli siyang mapayagang magpaospital dahil sa pamamaga ng kanyang kaliwang bukong-bukong.

Bagamat pinayagan siyang makapagpatingin sa espesyalista ng BJMP, hindi pa siya pinayagang makapagpa-confine muli sa pagamutan hangga’t walang resulta ang pagpapakonsulta niya sa espesyalista ng BJMP.

Ipinag-utos pa ni Judge Solis-Reyes sa warden ng QCJ-Annex na magsumite ng ulat sa loob ng 24 oras matapos matignan ng espesyalista si Andal, Sr.

Kasama si Andal Sr. sa mga akusado sa Maguindanao massacre kung saan pangunahing suspect na nasa likod nito ang kanyang anak na si Andal Ampatuan, Jr.

Nauna nang na-confine si Andal, Sr., sa AFP Medical Center (dating V. Luna Hospital) noong nakaraang taon, matapos na hilingin din ito ng kampo ng depensa bunsod na rin ng diumano’y sumasamang lagay ng kalusugan ng patriarka ng angkan ng mga Ampatuan.  Robert C. Ticzon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply