Ang yabang na ni Angelica!

WALANG kupas si Angelica Panganiban sa kanyang kayabangan kapag nagsasalita na tungkol sa mga katangian ng kanyang boyfriend na si Derek Ramsay at kapag mayroong isyu na iniuugnay ang binata sa ibang babae.  Talagang nawawala na ang kasimplehan niya sa mga salitang kanyang binibitiwan. Kahit nagbibiro lang siya, hindi magandang pakinggan na parang ang yabang-yabang niya.

Kung purihin niya si Derek ay para namang Adonis na sa kagwapuhan at kagandahan ng katawan ang boyfriend niya.

Ayaw ni Angelica na magsalita lang ng sakto sa kung ano ang isyu.  Para bang kapag relasyon na nila ni Derek ang naiintriga ay nawawala na rin siya sa kanyang sarili na wala siyang preno sa kanyang mga pagtataray.  Wala namang kuwestiyon kung nagmamahalan sila ni Derek dahil ramdam na ramdam naman iyon sa showbiz lalo pa’t nagtatagal na nga sila.

Kaya lang, huwag naman siyang hataw sa kayabangan kung magsalita. Marami tuloy ang naiinis sa kanya.

Maldita ang dating ng byuti ni Angelica kapag nagtataray na siya.  Mabait naman siya a personal kaya lang, ang laki ng ipinagbago ng kanyang ugali magmula nang sila na ni Derek ang maging magkarelasyon.  Pansinin n’yo, ang dami-rami niyang nakakaaway nang dahil lang sa mabilis niyang pagre-react kapag may nang-iintriga sa kanilang relasyon.  Akala mo’y lagi siyang inaagawan ng boyfriend.

***

HUWAG na nating kuwestiyonin si Luis Manzano kung marami ang hindi kumbinsido sa sobrang kasiyahan na ipinapakita niya ngayong inamin na niya ang panliligaw niya kay Jennylyn Mercado.  Lahat naman tayo ay may karapatang lumigaya dahil sinabi rin naman ni Governor Vilma Santos-Recto na sobrang happy ngayon ang anak dahil kay Jennylyn, huwag na nating ipagdamot sa kanya ang kaligayahang iyon.

Hala, sige…  magpakaligaya ka, Luis!

Kaya lang, dapat siyempre ay alam din ni Luis ang kanyang pinasukan.  Napakasaya niya sa kanyang pagpasok sa buhay ni Jennylyn, sana kapag lumabas na rin siya sa buhay ng aktres, tulad pa rin ng dati kung papaano siya lumabas sa buhay ng mga dati niyang nakarelasyong mga babae na puro matahimik at walang kontrobersiya.

Nasa rekord kasi ni Luis na sa mga pakikipaghiwalay sa mga nakakarelasyon ay lagi itong tahimik at wala ka na lang magiging reaksiyon kundi:  “Haaa?  Hiwalay na pala sila?”  Oo. Lagi siyang gano’n.

Dapat kasi, puro pagmamahal ang ipapakita ni Luis kay Jennylyn. ‘Yung tipong kapag naghiwalay silang dalawa ay maganda pa rin ang masasabi ng aktres. Huwag niya ring sisigawan si Jennylyn kapag hindi maganda ang araw niya at huwag niya itong sasampalin. Huwag din niyang uumbagin at sasakalin.  Matuto siya sa mga pinagdaanang pakikipaghiwalay ni Jennylyn sa mga nakarelasyon niyang taga-showbiz gaya nina Mark Herras, Andrei Felix, Patrick Garcia at Dennis Trillo. Laging hindi magaganda ang mga pakikipaghiwalay ni Mercado sa mga dati niyang nakakarelasyon.  Nagpapalitan muna sila ng masasakit na salita at nagkakalabasan din ng mga kasiraan ng isa’t isa.

Wala naman siyempreng maniniwala sa mga panahong ito na baka si Luis na nga ang huling lalaking mamahalin ni Jennylyn.

Kasi nga, bata pa rin naman si Jen at madali naman siyang makabawi pagkatapos ng pinagdaanang palpak na relasyon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply