Aquino kinalampag sa FOI Bill

LALONG inaantala ang pagsasabatas ng Freedom of Information (FOI) Bill, mas nananatiling pinakamapanganib na lugar ang Pilipinas sa mamamahayag at mauudlot ang empowerment ng mamamayan tungo sa mahusay na pamamahala at pambansang kaunlaran.

Ganito ang paniniwala ni Sen. Alan Peter Cayetano sa patuloy na pag-aantala ng Kongreso na maisabatas ang panukala na siyang magbibigay kapangyarihan sa mamamayan na ungkatin at bulatlatin ang lahat ng transaksyon sa gobyerno.

Base sa isang Global Survey of media independence, ipinakikita ang Pilipinas na nananatiling “partly free na nagpapatunay na nagiging inutil ang media dahil lumolobo ang bilang ng mga mamamahayag na pinapatay sa buong bansa.

“Mahalagang sandata ang freedom of information bill upang bigyan nang sapat na kapangyarihan ang mamamahayag at publiko na matunghayan ang mga impormasyon sa opisyal na transaksyon ng pamahalaan,” ayon kay Cayetano.

Aniya, layunin din ng panukala na isulong ang mahusay na pamamahala, accountability and transparency sa sistema ng gobyerno.

Kaya’t iginiit ni Cayetano kay Pangulong Aquino, na sinimulan ang giyera laban sa korapsiyon bilang pangunahing adbokasiya, na dapat maunawaan nito na kung sakaling maisabatas ang Freedom of information Act, isang kritikal na sangkap ito sa ipinangakong reform agenda.

Sinabi pa ni Cayetano na sakaling maipasa ang FOI, mapapaunlad nito ang kalagayan ng press freedom at transparency sa pamahalaan, ang dalawang bagay na siyang magbibigay ng kapangyarihan sa mamamayan na makilahok sa gobyerno upang makamit ang nagkakaisang adhikain para sa pambansang kaunlaran.”

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply