Arboleda binayaran ang binugbog na fan

NAGKAROON umano ng aregluhan sa pagitan nina Philippine Basketball Association (PBA) player Wynne Arboleda at PBA fan Alain Katigbac na sinasabing sinapak at tinadyakan ng una noong 2009.

Ayon sa mga sources, nagkasundo umano sina Arboleda at Katigbak na mag-ayusan na lamang sa pamamagitan ng pera upang kapwa sila hindi maperhuwisyo sa isinusulong na physical injury charges.

Gayunman, hindi matiyak ng mga sources kung magkano ang perang ibinayad umano ni Arboleda kay Katigbak para huwag nang ituloy ang kaso.

Napaulat din na nahihirapan umano si Arboleda sa kanyang sitwasyon lalo pa’t nawawalan siya ng income nang pansamantala siyang sipain ng PBA board nang maganap ang pananakit niya sa naturang fan.

Sinabi naman ng isang abogado na nakapanayam ng Remate Sports na umiiral ang Supreme Court Circular No. 20-2002 na pumapayag na magkaroon ng ayusan o settlement nang labas sa hukuman at mediation o aregluhan kaya wala umanong kaso kung nagka-aregluhan man ang dalawa.

“Ang nasabing court circular ang pinagbasehan ni Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 33 Presiding Judge Alfredo Ampuan sa pagbasura niya sa kaso,” ayon sa isang source.

“Pero totoo raw talaga na nagkabayaran silang dalawa (Arboleda at Katigbak). Pare-pareho kasi silang maaabala sa kaso at may pagkakataon din daw na hindi nakadalo sa hearing ang complainant kaya pinagkomento ng hukuman hanggang sa humantong na nga sa aregluhan,” wika pa ng source.

Ibinunyag pa ng mga sources na formality na lamang ang paglabas ng dismissal sa kaso dahil katunayan ay nagka-ayos na ang dalawa bago pa lamang ibinaba ang desisyon.

Sinasabi rin ng mga sources na isang dating mataas na opisyal din umano ng gobyerno ang pumapel at nakiusap na rin sa biktima na huwag nang ituloy ang kaso alang-alang na rin sa pamilya at kapakanan ni Arboleda.

Samantala, sinabi ng ilang observers na dapat ding mabigyan ng pagkakataon si Arboleda na makabangon dahil marami ring umaasa rito.

“He deserves a second chance, magaling siyang manlalaro. Tao lang naman siya kaya naman dapat itong ikonsidera rin. Tsaka, hirap na siya sa income, bigyan na lang natin siya ng chance,” diin ng isang observer.

Si Arboleda, na nasa ilalim noon ng Burger King (Air21 Express), ay idinemanda sa pambububog umano kay Katigbac sa kanilang PBA game laban sa Pilipinas-Smart Gilas noong October 16, 2009 sa Araneta Coliseum.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply