ARMM polls postponement binuhay ng LP

MUKHANG hindi pa natatapos ang “Semana Santa” sa Senado matapos buhayin muli ang nauna nang pinatay na panukalang ipagpaliban ang halalan sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) ng ilang miyembro ng Liberal Party.

Sa kanilang manipestasyon matapos ihain ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang salungat na committee report hinggil sa panukala sa ilalim ng Senate Bill No. 2756 at House Bill No. 4146, hiniling ng anim na senador, kasama ang tatlong miyembro ng LP na buhayin ang panukala.

Kabilang sa bumuhay sa pinatay na panukala sina Sen. Teofisto Guingona III, Sen. Antonio Trillanes IV, Sen. Francis Pangilinan, Sen. Serge Osmena, Senate Majority Leader Vicente Sotto III at Marcos.

Pinangalawahan naman ni Sen. Miriam Defensor-Santiago ang mosyon na ibalik sa plenaryo ang “piñatay” na panukala alinsunod sa Rules 30 ng Senate Rules na kapag naghain ng salungat na committee report ang komite, puwede itong ibalik sa plenaryo kapag inaprubahan ng Senate President.

Sa kabila ng rekomendasyon na huwag pagtibayin ang panukala sa kanyang sponsorship speech sa committee report, mismong si Marcos ang naghain naman ng mosyon upang ibalik ang panukala sa plenaryo.

Idinahilan ni Marcos sa kanyang committee report na taliwas ang panukalang ipagpaliban ang halalan sa ARMM sa Saligang Batas, sa Organic Act ng ARMM at pananaw at prinsipyo ng ilang lider at mamamayan sa lugar.

Ngunit, biglang bumawi si Marcos sa kanyang paninindigan sa kanyang speech na nagtatanggol sa kanyang committee report na nagsasabing hindi dapat ipagpaliban ang halalan sa ARMM dahil taliwas din ang panukala sa lahat ng paghihirap ng mga nakaraang administrasyon na mabigyan ng awtonomiya ang Muslim alinsunod sa Tripoli Agreement.

Ayon kay Marcos, pinayagan niyang maibalik sa plenaryo ang panukala upang magkaroon ng malusog at malalim na debate sa pagpapaliban ng ARMM elections upang mahimay ng lahat at maunawaan ng bawat mambabatas ang lahat ng anggulo sa panukala.

Pinangunahan naman ni Sen. Franklin Drilon bilang sponsor sa panukala sa pagsasabing kailangan maipagpaliban ang halalan sa ARMM upang maisagawa ng administrasyon ang kailangang reporma sa rehiyon.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply