ASG malulumpo sa pagkamatay ni Bin Laden

POSITIBO si Senate President Juan Ponce Enrile na malulumpo na ang teroristang Abu Sayyaf sa Mindanao sa pagkamatay ni Osama bin Laden dahil mawawalan ng suportang pinansiyal ang grupo.

Ngunit, tulad ni Sen. Gregorio “Gringo” Honasan, ibinabala rin ni Enrile na hindi dapat maging kampante ang lahat ng national security agencies sa paghahanda sa anumang paghihiganti ng bandidong Abu Sayyaf sa pagkamatay ni Bin Laden.

Ayon kay Enrile, malapit nang mapilay ang operasyon ng bandidong Abu Sayyaf dahil matitigil ang suportang pinansiyal ng grupo mula sa Al-Qaeda network na nagbibigay ng suportang pinansiyal sa mga grupong terorista tulad ng Abu Sayyaf.

Sinabi pa ni Enrile na maging ang mismong Al Qaeda terrorist network ay mapaparalisa matapos mawalan ng leader, lalo’t patuloy ang kaguluhan ngayon sa bansang Libya sa harap ng patuloy na pambobomba ng NATO forces.

“Si Osama bin Laden ang spiritual leader ng mga terrorist groups, kaya mapaparalisa na sila ngayon nawala ang kanilang lider,” giit ni Enrile.

Kampante naman si Enrile na walang kakayahan na maglunsad ng paghihigante ang Abu Sayyaf sa nangyari kay Bin Ladin dahil limitado lamang aniya sa Western Mindanao ang kakayahan ng mga bandido.

Gayunman hindi pa rin aniya dapat magiging kampante ang awtoridad sa halip ay seryusuhin ang pagpapatupad ng seguridad.

Ito rin ang babala nina Honasan at Sen. Chiz Escudero sa pagsasabing, marami pang galamay si Bin Laden na maaaring maghigante matapos ang kanyang kamatayan.

Iginiit pa ni Escudero na hindi natatapos sa kamatayan ni Bin Laden ang terorismo sa mundo dahil tiyak aniyang  na mayroon pa ring isisilang na mga taong gagawa o gumagawa ng terorismo.

Dahil dito, pinayuhan nina Honasan at Escudero ang lahat na huwag maging kampante bagkus ay maging maingat at patuloy na magbantay  upang labanan ang mga taong nagbabalak na maghasik ng terorismo sa bansa o sa buong mundo.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply