Bangkay sa nasunog na New Bilibid Prison kilala na

KILALA na ngayon ang dalawang bangkay na nasunog sa loob ng dormitory sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.

Ang mga bangkay ng mga biktima ay kinilala ni Senior Fire Officer-1 Arnel Autencio ng Muntinlupa City Fire Protection na sina Eduardo Solis, 60, tubong Negros Oriental na nakatakdang lumaya sa susunod na buwan kaugnay sa kasong theft at Lito Amaya, 21, tubong Negros Oriental, na nakapiit sa naturang kulungan dahil sa kasong homicide.

Nabatid sa ulat ang biktimang si Solis ay natutulog nang maganap ang paglagablab ng kanilang kulungan, naalimpungatan ito nang makita ang makapal na usok kaya nagmamadaling pumasok sa comfort room at nagbuhos ng tubig para mabawasan ang naramdamang init sa katawan.

Dahil sa patuloy na lumalaki ang apoy hindi na ito nakalabas ng CR hanggang tuluyang matupok ng apoy ang gusali.

Samatala, si Amaya ay nakalabas na ng gusali pero muli itong bumalik para makuha ang isang mahalagang bagay na umano’y naiwanan sa loob ng kanyang selda. Hindi na rin nakabalik si Amaya nang abutin ng nagngangalit na apoy ang kanyang daraanan palabas ng gusali hanggang matupok na rin ng apoy.

Nabatid sa ulat na ang apat na naunang iniulat na nawalang preso ay nagtagpuan na rin sa isinagawang head count sa mga bilanggo.

Napag-alaman na ang nawawalang bilanggo ay tumutulong sa mga bumbero sa pag-apula ng apoy kaya hindi sila napasama sa mga tinipong preso habang naglalagablab ang gusali.

Hinihinala ng mga imbestigador na sumabog na kalan ang sanhi ng sunog. Nauna rito nag-deliver na ng mga pagkain para sa preso ang pamunuan ng NBP at kadalasan nirertoke ng mga bilanggo ang naturang pagkain na angkop sa kanilang panlasa.

Malaki ang hinala na sumabog ang kalan na ginagamit ng mga bilanggo na naging dahilan para masunog ang naturang bilangguan.

Sumiklab ang sunog dakong 4:20 Biyernes ng hapon, Mayo 13, mula sa Building 5 ng Sampaguita Camp ng nasabing bilangguan.

Ang sunog ay naapula bandang 5:30 ng hapon sa tulong ng mga pamatay sunog mula sa Muntinlupa City, Las Piñas at Paranaque.

Ayon naman kay Bureau of Corrections Director Ernesto Diokno, may 700 katao ang nasa loob ng Building 5 na may kapasidad lamang na 300. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply