Bangko nina Garcia, Ligot, damay sa ‘pabaon’

MALAMANG na makasama sa kakasuhan ng gobyerno ang ilang lokal at dayuhang bangko na pinaglagakan ng multi-milyong pisong kinulimbat umano ng dalawang dating heneral at comptroller ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na utak ng “pabaon system.”

Inihayag ni Sen. Teofisto Guingona III, nakatakdang ipatawag ang lahat ng bangkong pinaglagakan ng kinulimbat na multi-milyong pondo nina dating Major Gen. Carlos Garcia at ex-Lt/Gen. Jacinto Ligot sa AFP upang papanagutin sa paglabag sa batas.

Naniniwala si Guingona na may pananagutan ang mga bangko nina Garcia at Ligot dahil pumayag ang mga itong makapaglagak ng multi-milyong salapi at nakuha pa ng deposito nang hindi nalalaman ng Anti-Money Laundering Council (AMLAC).

“It’s more for the banks because bakit ba nangyari na naka-withdraw sila Gen. Garcia at Gen.Ligot. They reported it as covered transactions sapagkat it’s more than five hundred thousand. Pero ang tanong, ang laki-laki ng amount, why did you not report it as suspicious account?,” giit ni Guingona.

Ipinagtataka kasi ni Guingona kung bakit nakuha muli nina Garcia at Ligot ang multi-milyong deposito nito sa partikular na bangko kahit may abiso na ang AMLC na nakatakda nang i-freeze ang pondo dahil kuwestiyonable ang transaksiyon.

“Iyan ang malaking debate sa ngayon sapagkat ang nangyayari ay nalalaman ng mga may-ari ng mga bank accounts na iimbestigahan ang kanilang bank accounts ng AMLC. Nalalaman nila in advance at nawi-withdraw agad nila. Tuloy, walang nangyayari at wala ng pera ang mga bank accounts,” paliwanag ni Guingona.

Alinsunod sa Anti-Money Laundering Act, hindi dapat pumayag ang partikular na bangko na mabawi ang anumang deposito kung may kautusan o abiso ang AMLC na iniimbestigahan ang partikular na account, ngunit sa kaso nina Garcia at Ligot, hindi nangyari ang ganito.

“That’s why kapag may freeze order na walang leakage at mabilis ay hindi makaka-withdraw agad ang mga tao,” dagdag ni Guingona.

Kasabay nito, sinuportahan din ni Guingona ang panukala ni Sen. Edgardo Angara na amyendahan ang Anti-Money Laundering Act upang mapalawig ang sakop na krimen ng batas o tinatawag na predicate crime na siyang mahigpit na tinutulan naman ni Sen. Joker Arroyo kamakailan.

“Sa ngayon, there is the need to amend the AMLC . Sapagkat sinasabi nila na kulang ang mga crimes na dapat palawakin ang mga predicates, na tinatawag nilang krimen, na nasasailalim ng AMLC. At iyong mga nangyari lately- (katulad ng) nangyari kila Gen. Garcia at Gen. Ligot, na naka-withdraw sila ng katakot-takot na pera ay talagang klaro na kailangan tingnan natin mabuti itong AMLC sapagkat hindi dapat mangyari ang mga nangyari,” ayon kay Guingona. Ernie Reyes

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply