Barkong naglibing kay Bin Laden binisita ni PNoy

BINISITA ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang nuclear-powered aircraft carrier USS Carl Vinson habang nasa karagatan pa kasama ang ilan sa kanyang mga gabinete at ni US Ambassador Harry Thomas.

Ito ang kinumpirma ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, na ang naturang pagbisita ng Pangulo ay mula na rin sa imbitasyon ng ambassador bago pa dumaong sa bansa ang naturang carrier ngayong araw.

“While on board he spent time with the crew and met with Filipino Americans serving on the carrier. The President said the visit reaffirmed the long standing defense relationship between the US and the Philippines,” ani Valte.

Kabilang sa mga gabinete na kasama ni Pangulong Aquino sina Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario, Defense Secretary Voltaire Gazmin, Finance Secretary Cesar Purisima at Communications Secretary Ricky Carandang.

Ang naturang barkong pangdigma ang pinagsakayan sa labi ng napatay na Al Qaeda leader na si Osama Bin Laden na sinasabing inilibing sa gitna ng karagatan bago tumulak patungong Pilipinas para sa apat na araw na goodwill visit.

Ayon naman sa Embahada ng Estados Unidos sa bansa, bahagi ng routine port call ang pagdaong ngayon ng USS Carl Vinson sa Manila Bay at aprubado ng gobyerno ng Pilipinas at Amerika, base na rin sa probisyon na nakasaad sa Visiting Forces Agreement (VFA).

Habang naglalayag sa karagatan ang naturang warship, ito ay binabantayan ng tatlong barkong pandigma na guided missile cruisers USS Bunker Hill at USS Shiloh at ng destroyer USS Gridley, habang sakay si Pangulong Aquino.

Nakatakda rin na lumayag ang naturang warship patungong Singapore makalipas ang apat na araw na pamamalagi sa bansa, ayon pa rin sa embahada ng amerika.

Inilunsad noong 1982, ang USS Carl Vinson na may sukat na 1,092 feet ang haba at may bilis na mahigit sa 30 knots at bigat na 101,300 tonelada ay pinatatakbo ng dalawang Westinghouse A4W nuclear reactor at apat na steam turbines.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply