Bastos na mga empleyado ng GSIS kakalusin

WALA nang puwang na maglingkod sa Government Service Insurance System (GSIS) ang mga bastos, walang malasakit at iresponsableng empleyado at opisyal ng ahensiya dahil nakatakda nang baguhin ang karta nito.

Ito ang inihayag ni Sen. Ralph Recto, na nakahanda na ang Senado na ilatag ang pagpapaunlad ng serbisyo at pribelihiyo ng miyembro ng GSIS kabilang ang kauna-unahang “Karapatan ng Miyembro” at ilang probisyon ng pagbabago upang putulin ang red-tape sa pangongolekta ng paghahabol at gawing tumutugon at accountable ang GSIS Board.

Naniniwala si Recto na kapag nagkaroon ng pagbabago sa karta ng GSIS, magkakaroon ng mabilis at epektibong pagtugon sa pangangailangan ng mahigit 1.68 miyembro, pensiyonado at benipisaryo.

Kabilang sa landmark reform na gagawin ng Senado ang paglalagay ng katagang “Rights of GSIS Members na inaatasan ang pension agency na pabilisin ang pagproseso ng paghahabol, maging magalang at tumutugon; ipapaalam ang updates nang regular ang miyembro sa kanilang benipisyo at bigyan ng karapatang madinig ang naagrabiyadong miyembro.

Sa ngayon, walang nakalagay sa karta ng GSIS ang probisyon hinggil sa karapatan ng miyembro.

May hiwalay na karapatan ang itinakda para sa matatanda, disabled at may sakit na miyembro ng GSIS tulad ng pagtatakda ng special lanes, mapang-unawang pagsusumite ng dokumento, prayoridad sa pagproseso at pagpapalabas ng claim-benefits at uunahin sa paghahatid ng mahahalagang impormasyon.

Mahaharap sa parusang legal at administratibo ang sinumang opisyal, empleyado o tanggapan ng GSIS na magsasalaula sa karapatan ng bawat miyembro ng GSIS.

Babalasahin din ang GSIS Board upang maisama ang dalawang bagong miyembro at mapalakas ang hanay ng empleyado ng pamahalaan sa board at matiyak na protektado ang kanilang kagalingan sa lahat ng oras.

Base sa panukala na nakatakda nang ilatag sa plenaryo, kabilang sa magiging miyembro ng GSIS Board ang kalihim ng  Department of Education (DepEd) at chairman ng Civil Service Commission (CSC).

Lulusawin din sa panukala ang apat na taong prescriptive period sa lahat ng miyembro na makapaghain ng kanilang benipisyo o paghahabol.

Kung magreretiro naman ang isang miyembro, binigyan ito ng 60 araw upang makapagsumite ng pangangailangan bago sumapit ang huling araw ng kanilang serbisyo.

Magmumulta naman ang GSIS ng dalawang porsiyento bawat buwan kapag nabigo ang kompanya na maipalabas ang retirement benefits na dapat maibigay sa miyembro.

Nilimilitahan din ng panukala sa limang porsiyento ng kabuuang pondo ng GSIS ang maaaring ilagak sa pamuhunan upang protektahan ang pension fund laban sa anumang krisis sa pananalapi.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply